Monday, 28 May 2012

Mayo Bente Otso (Huling Bahagi)


28th May 1989, 09 :30 :45
Aplaya


Masaya pa rin ang paligid. Lahat pa rin ay abala sa Katapusan. Tuwang-tuwa pa rin ang mga bata sa mga palaro. Ang mga nanay naman ay abala na sa pagluluto ng tanghalian. Ang amoy ng lutuin sa buong barangay ay tunay na nakakagutom.

Parang pista sa Aplaya.


28th May 1989, 11:00:49
Danggay


Ibinaba si Roberto ng dyip ilang metro lang ang layo sa bahay na kanyang sasadyain. Hindi naman mahirap hanapin ang bahay kasi tabing kalsada lang ito, bukod doon eh alam mo na may binyagan sa bahay na iyon dahil maraming tao ang paligid (karaniwang tanawin ito sa mga probinsya tuwing merong handaan, lahat ng kababaryo imbitado), lahat abala.

Pagdating ni Roberto sa bahay ay inasisti sya ng kanyang “kumpare”, kahit na kahalili lang sya ng pinsang si Oscar. Nasa simbahan na pala ang iba para sa binyagan, kaya dumiretso na rin ang dalawa sa simbahan.


28th May 1989, 11 :21:17
Kapilya sa Danggay


Nagsimula na nga ang binyagan. Nasa unahan na ang bibinyagan, karga ng kanyang ina, samantalang ang mga tumatayong ninong at ninang ay may tig-iisang kandila nakapaligid sa sanggol habang si Padre eh nagbabasbas.

Hindi pa naman huli si Roberto, sakto lang kumbaga. Kapansin-pansing bigatin ang pamilya ng binibinyagan. Halos mga kilalang personalidad sa bayan ang mga dumalo sa binyagan. Ganoon din ang mga ninang, kumbaga mga “donya” sa bayan ng Danggay. Ang mga Ninong naman “super-bigatin”, may mga politiko, sundalo at negosyante.

28th May 1989. 11:53:09
Danggay


Natapos na nga ang binyagan. Gaya ng inaasahan tambak ang pagkain at inumin sa bahay. Puno rin ng taong kakain syempre – mga ninong at ninang, mga inimbitahan, meron ding mga hindi naman naimbita pero naroon rin (alam mo naman sa probinsya, kung kababaryo lang rin lang, hindi na rin kailangan ng pormal na imbitasyon, masabihan lang ok na). Engrande talaga ang handaan – maraming pagkain, maraming inumin.

Nang makakain na ang lahat, ang mga kababaihan at ilang mga bisita ay nagpaalam na rin sa punong-abala, samantalang sa likod ng bahay ay merong sariling mundo ang mga kalalakihan. Mawawala ba naman ang barekan, syempre hindi – todo barek ang magkukumpare.

Bumaha rin ng inumin, merong tuba, may lambanog, meron din syempreng lapad at longneck, at case-case na San Miguel Beer na panghugas.

Si Roberto nakiinum na rin. Magaling kasing makisama si Roberto, kaya naman halos lahat ata ng lamesa eh kasali sya sa inuman. Ganoonpaman, sa lamesa ng mga “kaibigan” nyang pulis sya nagbabad. Naki-tagay, naki-barek.


28th May 1989, 12:00:00
Aplaya


Tanghaliaan na. Mangilan-ngilan na lang ang tao sa labas ng bahay. Kainan na kasi. Lahat nasa loob na ng bahay para sa tanghalian.

Sa bahay ni Roberto, ganadong-ganado ang kanyang tatlong anak na lalaki at ang kanyang nagdadalang-taong maybahay sa iniwanang nyang tulingang puti. Inihaw nya ang kalahati, samantalang sinigang naman ng kanyang maybahay ang kalahati.

Masarap ang kainan. Ganado.

Busog ang lahat.


28th May 1989, 15:16:18
Danggay

Medyo lasing na ang mga tumador. Ang iba maingay na. ‘Yong iba naman eh tulog na. Ang iba, medyo nagpapahulas pa, pero tumatagay pa rin.

Sa lamesa ni Roberto, mukhang tapos na ang inuman. Dalawang sundalo na lang ang patuloy pa ring nakikipagbuno sa isang bote ng lapad, ‘yong iba eh nagpapayabangan nalang sa isang tabi. Normal na ata ang payabangan ng mga lasing tuwing nalalasing.

Si Roberto naman eh nagpapahulas na, nasa loob ng nakaparadang dyip, tulog.

Di kalayuan sa dyip, may nagpapayabang rin – dalawang pulis. Parehas na di magpatalo. Parehas mayabang. Parehas “may ibubuga” raw.

Naka-uniporme.

Sa kanilang mga bewang, naka-sabit ang kanilang mga baril.

Naghihintay bunutin.

Naghihintay na makalabit.




28th May 1989, 16:08:52
Aplaya


Tapos na ang siesta. Balik na ulit sa kasiyahan ang mga tao. Nag-uumpisa na namang mapuno ang kalsada. Nag-uumpisa na namang tumunog at mag-ingay ang musiko, samantalang sa mikropono naman ay panay ang tawag at imbita ng anak ang hermana-mayor sa mga taga-Aplaya na makilahok at makisiya sa “Tapusan”.


28th May 1989, 16:10:03
Danggay

Medyo nagkakainitan na ang dalawang nagtatalong pulis. Pawang ayaw magpatalo. Maging ang mga tao sa paligid nila ay sa kanilang dalawa na nakatingin, para bang nag-aabang sa mga susunod na mangyayari.

Nagkakataasan na rin nga boses ang dalawang pulis. ‘Yong isa medyo malakas talaga ang boses, pero ‘yong isa, dahil ayaw ngang magpatalo, eh halos sumigaw na wag lang matalo sa kanilang payabangan.

Dala na rin marahil sa tama ng alak kaya naman parehas malakas ang loob.

Wala talagang magpatalo.

Sa loob ng dyip, medyo naaalimpungatan na rin si Roberto, maingay na nga kasi sa labas, pero hindi pa rin bumangon, pikit pa rin ang mga mata, hihirit pa.

Sa kalagitnaan ng pagtatalo, biglang binunot ni Pulis 1 ang kanyang baril.

Hhhhhhaaaaa….. !!!! halos sabay-sabay na sambit ng mga taong nakapaligid sa kanila.

Ang iba namangha, ang iba naman ay natakot sa maaaring mangyari.

Ikinasa, sabay tutok kay Pulis 2.

Ang iba eh medyo lumayo sa lugar, ‘yong iba naman ay nakiusap sa pulis na may hawak ng baril na ibaba ito ay pag-usapan na lang ang hindi pagkakaunawaan.

Samantala ang si Pulis 2 eh parang walang takot na binubuska pa si Pulis 1.

Medyo nagkakaroon na ng tensyon.

Sa loob ng dyip, nagising na si Roberto. Maingay na kasi. Paglabas ng dyip, ay naabutan nya ng eksena ng nagtatalong pulis at tutukan ng baril.

Parehas na nagkakainitan na ang dalawang pulis. Kapwa nanggigigil.

Si Roberto, mamungat-mungat pa at bagong gising, agad na tinimbang ang sitwasyon. Inayos ang sarili, at lumapit sa dalawang nagtatalong pulis.

Lumapit si Roberto sa dalawa at nakiusap na “pag-usapan” nalang nila sa maayos na usapan kung anuman ang hindi nila pagkakaunawaan. Hindi pag-usapan na may mga baril na nakaumang.

Mukhang ayaw paawat ang dalawa. Lalong umigting ang tensyon.

Nakalingat ang si Pulis 1, agad na sinunggaban ni Pulis 2 ang hawak nitong baril.

Nabigla ang lahat. Tumakbo na ang iba.

Naiwan si Roberto sa gitna ng nagpapambunong mga pulis.

Pinilit kalmahin ni Roberto ang dalawa, pinilit awatin, pumagitna at umasang kakalas ang dalawa.

Pero hindi. Matapang talaga ang dalawa. Ayaw paawat.

Hanggang sa….


28th May 1989, 16:15:09
Danggay



Bang!!!

Bang!!!

Ugh…. Bulagta!

Eeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeee!

Dalawang umaatungal na putok ang bumasag sa payapang kainan at inuman. Lahat ay nagulat. Nag-umpisa nang magkagulo ang mga tao sa paligid. Panay ang tilian ang mga babae, ang mga bata ay palakat na sa takot. Maging ang mga usyosero at tsismosa ng barangay ay sakbibi na rin ng takot. Kanya-kanyang takbo. Kanya-kanyang hanap ng lugar na mapagtataguan.

Parang wala lang na tumalilis papalayo ang taong may hawak ng baril.

Tahimik na ang paligid. Lumubog na ang araw.

Sa gitna ng sagingan, ang lalakeng nakabulagta, nakataob, hindi kumikibo, duguan - naiwang wala nang buhay.

Sapol si Roberto. Sa dibdib ang tama.
Pagbasak, hindi na nakapagsalita pa, ni hindi na nakapagpaalam – binawian na ng buhay.

Ilang minuto pa ang nakalipas, nag-umpisa nang magbalikan ang mga tao sa lugar. Pare-parehas tikom ang bibig at nakatitig sa duguang bangkay ni Roberto.

Wala na ang mga pulis.

Walang tumawag ng pulis.

Patay na si Roberto...
Ulila na sa ama ang mangyan...

Mayo Bente Otso (Unang Bahagi)


28th May 1989, 16:15:09
Danggay


Bang!!!

Bang!!!

Ugh…. Bulagta!

Eeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeee! 

Dalawang umaatungal na putok ang bumasag sa payapang kainan at inuman. Lahat ay nagulat. Nag-umpisa nang magkagulo ang mga tao sa paligid. Panay ang tilian ang mga babae, ang mga bata ay palakat na sa takot. Maging ang mga usyosero at tsismosa ng barangay ay sakbibi na rin ng takot. Kanya-kanyang takbo. Kanya-kanyang hanap ng lugar na mapagtataguan.

Parang wala lang na tumalilis papalayo ang taong may hawak ng baril.

Tahimik na ang paligid.
Lumubog na ang araw.

Sa gitna ng sagingan, ang lalakeng nakabulagta, nakataob, hindi kumikibo, duguan - naiwang wala nang buhay.



28th May 1989, 08:00:00
Aplaya
Huling linggo ng Mayo, at sa mga panahong ito ay masayang-masaya ang buong Aplaya. Para na ngang pista dahil sa dami ng banderitas at halos lahat ng tao sa barangay ay abalang-abala. Maging ang mga bata ay hindi magkanda-ugaga sa mga palaro, palosebo, hampas-palayok, agawang buko, palayuan ang ihi, pabilisan kumain ng bato (matigas na tinapay – karaniwang kulay pula). Ang mga kabinataan naman ay abala rin sa paghahanda ng lugar para sa sayawan mamayang gabi. Samantalang ang mga matatanda naman ay aligaga rin sa pagluluto. “Kapusan” o “tapusan” kung tawagin nila ang araw na ito, Katapusan ng Flores de Mayo. Mamayang hapon nga eh may sagala pa, kaya ang ilang piling kadalagahan ng barangay ay naghahanda na rin, nagpapaganda. Ganoon rin ang kanilang mga konsorte, na medyo abala na rin sa pagpapanday ng gagamiting arko sa sagala mamaya.

Ilang metro, hindi kalayuan, nagpaalam si Roberto sa kanyang maybahay na apat na buwan nang buntis sa kanilang bunso. Dadalo kasi sya ng binyagan. Napaki-usapan ng kanyang pinsang si Oscar na sya muna ang dumalo o ‘maghawak’ sa binyag ng kanyang kumpare.

Hindi naman tumanggi si Roberto, wala nga rin naman pang gagawin at mamayang gabi mag-uumpisa ang kasiyahan.

Umalis na si Roberto ng bahay. Hindi na rin nakapagpaalam sa mga anak na lalaki, paano ba nama’y kasali sa mga palaro. ‘Yong isa sumusubok umakyat sa palosebo, ‘yong isa naman ay nakikipagsapalarang matamaan ang nakabiting palayok, samantalang ang isa ay naroon sa intablado nakikipagpatayugan ng ihi.

Ilang minuto pa lang ang nakararaan, bumalik nang bahay si Roberto, may nalimutan raw, at mabilis ring umalis ng masumpungan.

Ilang minuto pa, bumalik na naman ito ng bahay, nagpaalam muli sa kanyang maybahay, at muling sumibat.

Bumalik ulit ng bahay? Oo bumalik ulit, tila may hinahanap sa kanyang maybahay, may naiwanan daw, pero sa bandang huli wala naman pala… nagpapaalam lang muli. Mahabang paalaman, akala mo hindi na uuwi mamayang gabi. Para tuloy ayaw na syang payagan ng kanyang asawa na tumuloy pa, pero hindi na rin napigilan, tumuloy pa rin.


28th May 1989, 08:16:38
Terminal ng Dyip

Naghinhintay si Roberto ng masasakyan.

Mukhang malalim ang iniisip.

Nakatanaw sa malayo, sa kawalan.

Beeeeeeeeeeeeeeeepppppppppp!!!

Driver: Ano sasakay ka ba, o sasakay ka na lang??? sigaw ng driver kay Roberto.

Matagal na palang nakatigil sa harap nya ang dyip, hinihintay lang syang sumakay.

Walang imik na sumakay si Roberto sa dyip. Nakatingin pa rin sa malayo. Parang mabigat ang kanyang loob sa kanyang paglisan. Kita sa mga mata nya ang kapanglawan. Pamamanglaw sa mga iiwanang anak at asawa.

Humarurot ang dyip.

Ang ruta, Dangay...

Sunday, 13 May 2012

Si Nanay Yolly (a repost)


Isang bukas na liham para sa aking nanay... kay nanay yolly.
Dahil nga bukas ang espesyal na araw ng mga ina, kahit puede naman araw-araw eh araw ng mga dakilang ina, so para sa kanya ang blog entry ko na ‘to.

Sa Mahal kong Nanay,

Nay, hindi man ako ganoon ka-expressive sa pag-sasabi sa ‘yo ng “I love you”, pero alam nyo naman sigurong mahal na mahal ko kayo. Siguro nga hindi lang ako masalita, pero sana naman kahit papaano eh naipadarama ko sa inyo kung gaano ko kayo kamahal.

Nay salamat sa pagbibigay mo sa akin ng pagkakataong masilayan ang mundong ito. Salamat sa pagluluwal nyo sa akin sa mundong ito. Sabi nyo nga diba, medyo malikot ako noon sa tiyan mo, at medyo nahirapan kayo sa pagbubuntis sa akin, sensya na ha… pero sulit naman diba, kasi lumabas akong hindi lang healthy, at cute na cute pa.. he he he.

Salamat din nay sa gatas mo na shinare mo sa akin (as if naman may iba ka pang pinaglalaanan ng gatas mo that time, he he he). Salamat sa mga gabing nagpupuyat ka sa pagbabantay sa akin, sa pagpapalit ng lampin ko (hindi pa kasi uso ang diaper that time sa probinsya), kahit na sabi mo “ihi” ako, eh ok lang sa’yo na halos kada dalawang oras eh nagpapalit ka ng lampin ko. Sa paghi-hele mo sa akin noon, though hindi ko talaga matandaan kong ano ang kinakanta mo noon, pero marinig ko lang sa gabi ang himig mo eh nahihimatay nalang ako.

Salamat din sa pag-aakay mo sa akin noong mga panahong hindi ko pa kayang tumayo mag-isa. Noong mga panahong hindi pa ako makalakad. Salamat sa inyo ni tatay na walang pagod na umalalay sa akin hanggang sa ako ay matutong humakbang, lumakad, tumakbo.

Salamat rin sa walang sawa mong patuturo sa akin noong magsalita. Kahit “a” at “ba” lang ata ang mga nasasabi ko eh aliw na aliw na kayo. At salamat rin sa mga gabing kahit banas na banas kayo eh ok lang, kasi nakatutuk lang sa akin ang bintilador, salamat ha.

Salamat rin sa mga paghahanda nyo tuwing ako ay nagbi-bertdey. Sa pansit at sa walang kamatayan mong kending kalabasa. Hindi ko malilimutan ‘yon. Bakit nga pala hindi na kayo gumagawa ng kending kalabasa ngayon?

Salamat rin sa pagpapakilala mo sa akin kay Sta. Klaus. Alam ko, kahit hindi naman tayo ganoon kariwasa sa buhay, eh may nalalaman pa talaga kayong Sta. Klaus – at may pasabit-sabit pa kami ng medyas sa bintana. ‘Yon nga lang masyadong bibo ang anak mo, kaya naman pangalawang pasko palang kaming nagsasabit ng medyas sa bintana eh nabuko na namin na kayong dalawa pala ni tatay ang may pakana ng lahat… he he he, kala nyo ha..

Salamat rin sa pagtatanggol mo sa akin na pagupitan ako ni tatay ng kalbo tapos may konting tirang buhok sa bunbunan. Pasyonista ka na talaga noon pa, at swak na swak sa akin ang “gupit pogi” mo.. well bagay na bagay naman talaga sa akin, pogi eh.

Salamat rin sa mga Royal True Orange at Sky Flakes na treat mo sa akin tuwing ako ay may sinat o lagnat, kahit na kung minsan ‘yong ibang lagnat eh lagnat-lagnatan nalang. Kasi naman kayo eh, kung hindi pa ako lagnatin hindi nyo pa ako patitikimin ng Royal at Sky Flakes… o estrikto ka lang talaga pagdating sa mga softdrinks, kasi tuwing pyesta at pasko lang tayo nagpi-pepsi noon, pero sagana naman sa Tang at Zest-o. Siguro nga nay, health conscious lang kayo noon…

Salamat rin sa pagpupumilit nyo noon na lagi akong naka-sapatos pagpasok ng school. Kahit na ingit na ingit ako sa mga kaswela ko noong naka-tsinelas lang. Kahit bumabaha na eh dapat nakasapatos pa rin ako. Salamat ha, kasi ngayon ko lang na-realized na feeling-astig pala ako that time kasi ‘yong ibang kong kaswela kaya naka-tsinelas eh kasi walang pambili ng sapatos, tapos ako itong naka-sapatos eh panay ang reklamo.

Salamat nay sa walang pagod mo noong pakikinig ng mga tula ko. Alam ko rinding-rindi na kayo sa akin noon pero patuloy lang kayong nakikinig, kahit na nga paulit-ulit na ako. Kaya naman diba kayo ang manager ko noon tuwing pyesta at patutulain ako sa plaza. Basta kasali ako sa mga tulaan noon, lagi kayong nandyan para suportahan ako, kahit na hindi kayo makapagluto ng tanghalian, makapaghagilap lang kayo ng dahon ng pechay para sa aking tula sa Linggo ng Kalusugan.
Ako si pechay, pampahaba ng buhay.
Lakas nyo pumalakpak.. number one fan ko kayo eh.. kaya nga labs na labs ko kayo eh..

Salamat rin nay, sa paniniwala at pagtatanggol nyo ni tatay sa akin noong Grade 3 na hindi ako ang kumuha ng libro sa school. Kahit pa ipagdiinan ni Ma’am Magparangalan na ako ang kumuha ng nawawalang libro, eh nariyan kayo para ipagtanggol ako. Ma’am tandang-tanda ko ‘yon, at akalain mong hindi man lang ako napasama sa top 10 (kahit man lang Most Polite o Most Kind) dahil lang sa “nakawan ng libro” na ‘yon, na sa kalaunan ay na miss-place lang pala. Ma’am ha.. pero ok na ‘yon.

Salamat rin nay, sa mag-isang pagtataguyod mo sa aming magkakapatid. Maaga man tayong iniwan ni tatay, eh tuloy pa rin ang buhay natin. Kahit naman papaano eh hindi mo sa amin ipinaranas ang “magdildil ng asin”. Pero ang klasik toyo, mantika ng baboy at kamatis ha… sobra sarap, walang panama ang sarsa ni mang tomas.
At kahit mahirap sa inyo na mawalay kayo, eh nangibang-bansa kayo para maitaguyod lang kami. Nay salamat ha. Kahit ng nga mahirap ang trabaho pero kinakaya mo maitaguyod lang kaming apat. Tinitiis mo lahat ng hirap at pasakit sa abroad may maipadala ka lang sa amin. Sensya kung noong mga araw na iyon eh sobra ang tamad kong sulatan kayo, hindi ko man lang naisip na ang mga sulat pala namin ang napapalakas at nagiging inspirasyon mo sa araw-araw.

Salamat rin at kaming magkakapatid ang top priority mo lagi. Kahit nga buhay mo eh nakakalimutan mo na para sa aming apat. Mula ng iwan tayo ni tatay eh kinalimutan mo na rin ang love life mo. Don’t worry nay, hindi naman namin kakainin ang mga manliligaw mo eh, medyo kakaliskisan lang namin… he he he.. jok lang.

Hhhayyy.. marami pa akong dapat ipag-pasalamat sa inyo…ngunit kulang ang mga titik upang maipadama ang pasasalamat ko sa inyo.

Basta nay, para sa akin… kayo ang the best na nanay sa buong mundo!!!
Happy Mother’s Day!!!! Nay..
 mahal na mahal ko po kayo.. (though hindi lang ako show-ee pero totoo ‘yon, mahal na mahal ko kayo!)