Sunday, 3 June 2012

Si PJ, Si Cabi & the Wardrobe


Medyo matagal-tagal na rin akong hindi nakapamalantsa ng isang bultuhan. Lagi na laang kung ano ang isusuot eh ‘yon ang pa-plantsahin, “on the spot” kumbaga.

Matapos ang ilang mahabang oras ng paghagod ng mainit na labi ng plantsa sa likod ng kabayo, eh namahinga ang platsador at lumagok ng isang bote ng laban.

Habang namamahinga, nakasulyap na sankaterbang plantsahin, sa platsa, sa kabayo, at maging sa damit ng kabayo…doon ko na laang ulit napagmuni-muni na napakaraming alaala at panahon na pala ang pinasamahan namin. Bawat isa may kwento, may kasaysayan, nangungusap.

Part One: Ang Plantsa

Nang dumating ako dito sa Gitnang Silangan, may dala laang akong limang polo (tatlo doon ay mahaba ang manggas, at dalawang maiksi), dalawang pantalon, ilang pares ng panloob, syempre medyas, at ilang pambahay. Sabi ko noon, dito na laang ako mamimili. At dahil nga dala ko naman galing Pilipinas, e’di lahat naman ay plantsado na at mahimbing ang pagkakatupi sa aking bag (Php 249.99 ang bili ko sa SM Centrepoint – as if susukliaan ka talaga at ibabalik and isang sentimo), at nang matapos nga ang unang isang linggo ko, ubos na ang plantsadong damit.

Huwebes ng Gabi: Ang unang laba ko sa Saudi
Biyernes ng Patanghali: Natuyo ang mga labada.
Biyernes Makapananghalian: Kelangan ng mamlantsa.

Wala akong plantsa.

Mabuti na laang at ang aking butihing ina ay maraming kaibigan sa aming compound. At doon ko nga sya nakilala. Saktong dating. Katugunan sa napapanahong pangangailangan.

Si PJ.

At saan naman nanggaling si PJ? Galing sya kay Joan. Si Joan ay kaibigan ng nanay ko at kaututang dila ni Manay Abeng. At sino naman si Manay Abeng?

Oooppss… bago ang Acquaintance Day, kay Joan muna tayo.

Si Joan ay isa sa mga maintenance staff dito sa compound. At dahil nga sa bago pa laang ako noon, at ang naririnig ko laang ay basta “Joan”… ay sinabi mo pa, parehas siguro tayo ng iniisip, si Joan ay isang lalake. Siguro nasanay laang ako na ang Joan ay pangalan ng babae, at naisip ko rin na wala naman pala talagang batas na umiiral na nagsasabing “Joan is Strictly For Female Only”… pero nung nagkita na kami, na-wow-mali ako, lalaki pala si Joan. At dahil noong mga panahong iyon, eh parang cool na cool ‘yong merong asawa sa Pinas, at may “kasintahan” sa Saudi, may nakapagbulong s’kin na “nakiki-uso” rin pala si Joan, pero sa unang tingin naman eh ‘di naman sya mukhang mahilig maki-uso. At isa pa, ‘di rin naman malinaw kung pamilyado na si Joan sa Pilipinas.

Pangalawa sya sa limang magkakapatid, mula sa lalawigan ng Zambonga. Hindi naman masasabing naghihikahos sa pamumuhay, at di rin naman pumapalya sa pagkain ng tatlong beses sa isang araw ang kanilang pamilya – sakto laang. Sya ang mag-isang nagtataguyod sa kanyang tatlong kapatid, sa kanyang ina at sa may karamdamang ama. (bakit laging ganun ang istorya, laging kailangang merong may sakit??) Eh nasaan si Ate?? Hhmm… medyo pinasabaw ko na laang ‘tong mga susunod na talata para naman masarap basahin – “ dahil raw sa kahirapan” ay maagang nagkapag-asawa si Ate. Maagang lumandi..este maagang umibig, maagang tumibok ang puso…ano PBB Teen??? At dahil may sariling pamilya na, naibigay kay Joan ang setro bilang tagapagtaguyod ng pamilya… pasimple, tumakas si ate.

Mahigit tatlo o apat na Biyernes ko rin laang nakita si Joan sa kampo. At minsan sa isa sa mga Biyernes na ‘yon eh nakapunta rin ako sa bahay nila sa gilid laang ng kampo, sa ilalim ng puno ng nagdudumalagang balete (at pramis ‘di tulad sa Pilipinas na nakakatakot at lodging house ng mga enkanto o kapre ang puno ng balete, dito sa Saudi ‘di sya nakakatakot, at mukhang domesticated na halaman). At doon ko rin nakadaupang palad ang kanyang ina.

Ha? Nasa Saudi rin nanay ni Joan?

Hindi pala ina, kasintahan pala…o sa mas marahas na pag-turing eh, Si Manang ang kinakasama ni Joan. Magaling magluto si Manang, magaling gumawa ng puto, at ang niyog ha, hindi Makati powdered coconut milk, as in kinakayod talaga from the bao! At ang malagkit ng sinokmani galing pa nang Pinas! Sa ilang oras ng pamamalagi ko sa kanilang munting pugad-ng-bawal-na-pagmamahalan (at talagang hinusgahan ko agad sila, bawal na pagmamahalan (para kay Manang) at bawal na bisyo (para kay Joan)) eh masasabi kong mawiwili nga naman talaga at mahuhumaling itong si Joan kay Manang, dahil, una, maasikaso si Manang, ang iced tea eh bottomless, asikaso kung asikaso; pangalawa, maayos sa katawan si Manang, as in lumi-level kay Mommy D, pero ang status eh lumi-level kay Mia – “kung makati, kamutin”…magaling “kumamot” ng makati si Manang.

‘Yon na rin ang huling kita ko kay Joan. Matapos ‘yon ay wala na akong naging balita kung nasaan na sya. Maging kay Manang wala na ring balita. Basta bigla na laang silang nawala sa sirkulasyon. Parang napadaan laang. Dumaan laang, nag-iwan ng alaala, nag-iwan ng kwento….nag-iwan ng Plantsa.

At balik sa plantsa. Sa ilang taong pagsasama namin ng plantsang ‘to eh isang beses pa laang itong nasisira.

Biyernes: simple laang ang naging sira, nagliyab ang hawakan malapit sa kordon! Kaya gaya ng inaasahan, sa pagliyab ng hawakan, natural nagliyab rin ang aking kamay, na madali naman naapula.

Dahil sa galit at sa sakit na naramdaman ko ng mga oras na ‘yon, naitapon ko ang plantsa…sa basurahan. Sabi ko bili na laang ako ng bago (may pambili na eh).

Sabado ng hapon: Nagbalik ang plantsa! Napulot pala ni Mang Edd of Room No. 30. Eh makulikot rin si Mang Edd, kaya ayon kinalikot, inayos, pinutol ang kordon na sunog, at woollaah!! Plantsa na ulit!

Akala ko ‘yon na ang huling Biyernes na kasama ko ang Plantsa ni Joan…di pala, ilang taon na ang nakalipas matapos ang pangyayaring ‘yon, plantsa pa rin. Si PJ pa rin ang plantsang mainit na humahagod as likod ni Cabi… ang Kabayo.

(Part Two: Ang Kabayo)

Itutuloy….