Thursday, 1 May 2008

Araw ng Paggagawa

Tuwi nalang sasapit ang unang araw ng buwan ng Mayo ay hinding-hindi malilimutan nating mga Pinoy kung ano ang meron sa araw na ito. Diba kulay pula nga ito sa ating mga tala-arawan (kalendaryo).

Kung nabanggit ang "a-uno ng Mayo", kung hindi man lahat ay madalas sumasagi ang mga larawan sa ating isipan tuwing Mayo a-uno. Mga malawakang pagtitipon ng iba't-ibang unyon. Pagma-martsa mula sa Mabuhay Rotonda hanggang sa panulukan ng Legarda at Mediola. Ang walang kamatayang sigaw ng mga manggagawa ng umento sa sahod. Kung sino-sinong kilalang personalidad, poliko at lider ng unyon na nakatayo at matatas na nagsasalita sa ibabaw ng entablado sa paanan ng tulay ni Chino Roces.

Araw ito para sa mga dakilang manggagawa.

Subalit saan ba ito nagsimula? Pa'no ba ito nag-umpisa?

Sabi ng Wikipedia, ang Araw ng Paggawa o ang Labor Day ay isang pambansang kapisatahan ng Amerika. Iba sa nakagawian nating mga Pinoy, ito ay ipinagdiriwang tuwing unang Lunes sa buwan ng Setyembre. Ito ay nag-umpisa noong taong 1882, sa kagustuhan ng Central Labor Union ng Amerika na gumawa ng isang araw ng pamamahinga para sa mga "manggagawa". Ito ay naging isang Pista-Opisyal base na rin sa itinakda ng Act of Congress noong 1894.

Sa Wikipedia pa rin, sa ibang bansa ang Araw ng Paggawa o ang Labor Day ay tinatawag ring May Day, at gaya nga ng nakamulatan nating mga Pinoy, ito ay ipinagdiriwang tuwing unang araw ng Mayo. Sa maraming bansa, ito ay itinuturing na Pista-opisyal. Ang pambansang pagkilala at pagdiriwang para bigyang pugay ang mga naiambag na tulong nga mga manggagawa sa paglago ng ekonomiya ng isang bansa.

Sa mga unang tala kung saan ito nagmula, sinasabing ang unang pagdiriwang nito ay naganap noong hindi pa man naaabot ng Kristiyanismo ang Europa. Noong mga panahong iyon kung saan ay halos lahat ay pagano, maraming pista ang ipinagbawal dahil sa unti-unting pagkalat ng Kristiyanismo sa Europa. Kalimitang kinapapaloobang ang pagdiriwang ng masaya at walang humpay na sayawang tinatawag ng "Maypole" at ang pagpuputong ng korona para sa mapipiling Reyna ng Mayo.

Sa Romano Katoliko, ipinagdiriwang ang Mayo bilang buwan ng Birheng Maria. Sa ganitong paniniwala, ang May Day ay ang umpisa ng isang buwang pagdiriwang para sa Birheng Maria. Sa Mindoro ang tawag namin ay Flores de Mayo, kung saan sa loob ng isang buwan ay gabi-gabi ang pag-aalay ng bulalak sa Birheng Maria.

Ang May Day / Labor Day ay inaari rin bilang pandaigdigang araw ng paggawa. Ito rin ay upang alalahanin ang araw kung saan ay ipinaglaban ni Robert Owen ng Britanya ng tinatawag na "Eight Hour Day", o ang pagta-trabaho ng isang manggagawa sa loob ng walong oras sa isang araw.

Bakit May 01?

Napili ang petsang ito bilang pag-alala na rin sa mga tao sa likod ng Second International, kung saan ang kanilang determinasyong isulong ang karapatan at kagalingan ng mga manggagawa ng Haymarket sa Chicago Illonois, noong 1886, ay hindi lamang hinangaan, kundi naging inspirasyon din ng lahat ng manggagawa sa buong mundo.

Bagaman ito ay isang pandaigdigang pagdiriwang, hindi lahat ng bansa ay nagdiriwang, tulad na lamang ng mga konserbatibong bansa ng Kuwait o dito sa Saudi Arabia.

Sa kabilang banda, kahit na ang Amerika ang naging insperasyon upang mabuo ang May Day / Labor Day, itinalaga ng Mababang Kapulungan ng Amerika ang Mayo a-uno bilang Araw ng Katapatan (Loyalta Day) noong 1958.

'Yon lang... maraming salamat sa Google (tumulong sa paghahanap) at sa Wikipedia (para sa hindi matatawarang inpormasyon).

At sa mga manggagawa (paulit-ulit na 'to)...araw nyo 'to.

MALIGAYANG ARAW NG PAGGAWA!!!

No comments: