Monday, 19 May 2008

Kalsada

Noong nakaraan lang eh ang trapik sa Jeddah ang laman ng aking blog. At mga ilang buwan na rin ang nakakaraan eh naging talakayan din namin ni Lyzius ang tungkol sa mga bus sa Dubai, at naibahagi ko rin kung anong sitwasyon meron dito sa Jeddah pagdating sa mga bus at sabihin na rin nating kung anong meron ang kalsada ng Jeddah.

Ang Hukay

Sabi ko nga noong nakaraan eh kabi-kabila ang hukayang nangyayari ngayon dito. Hukay-tabon ang drama nila. Ok lang sana kung ang nahuhukay eh Saudi Electric, o Saudi Water, o kaya naman eh Saudi Telecom, kasi hindi naman nagtatagal ang hukayan at natatabunan rin, matagal na siguro ‘yong apat hanggang limang araw – hindi naman naiiwang nakatiwangwang ‘yong mga hinukay nila, kasi lagi naman talagang may makikita kang gumagawa, araw at gabi (siguro ‘yong iba mas pinipili pang magtrabaho ng gabi, kasi nga sobrang init kung araw).

Sa kalye namin ngayon, Al Rabwah District, Bawadi-Siteen Road (hindi ako sure sa exact na address, feeling ko lang yan ang address namin sa compound kasi ‘yan lang ang sinasabi ko sa taxi at nakakarating naman ako ng bahay ko), mukhang meron atang pang-matagalang paghuhukay na mangyayari. Noong nakaraang dalawang linggo pa kasi medyo abala ang kalye namin sa dami ng mga manggagawa. Noong unang linggo, inalis nila ang mga “shoulder aisle” sa main road – so naging isang malaking kalsada magkabila (bale eight lanes bawat isa). At nang sumunod na araw eh nag-umpisa namang maglagay ng mga barikada sa mga inalis na shoulder aisle (di ko sigurado kung meron ba talagang term na “shoulder aisle”, imbento ko lang yan). Tapos nang sumunod na araw eh merong mga naglalakihang bulldozer sa gitna ng kalsada upang tanggalin ang mga puno ng dates. At noong isang linggo nga meron nang nakatayong temporary porta-cabin sa center aisle.

Nalaman ko sa driver namin kanina na may gagawin palang sub-way along Bawadi-Siteen Road – para raw maibsan ang lumalalang trapik sa lungsod.

Sa ayaw ko man o hindi, mukhang mahabang panahong hukayan ang mangyayari – malalim na hukayan.


Ang Kadamánt

Ang kadamánt o ang mini-bus eh ang pang-masang sasakyan dito. Para bang mga dyipni sa Pinas, meron ring kanya-kanyang ruta. At nang sabihin kong “parang mga dyipni sa Pinas”, as in parang sa Pinas talaga, ang kulang lang eh ‘yong malanding busina (tatlong busina lang kasi meron dito: busina ng normal na sasakyan, busina ng pulis, at busina ng ambulansya). Kasi kahit saan eh pumapara ‘to – sa gitna, sa tabi, basta may kumaway na sasakay o kaya naman eh may sumigaw ng pagkalakas-lakas na “allajahm!!!” (o kung pinoy ka puede na ring “para dyan”, tutal sounds-like naman), sugurado hihinto ‘to. Kung sakay ka ng kadamánt sigurado lahat ng kalsada sa Jeddah eh malilibot mo at sigurado ring lahat ng eh matatandaan mo, kasi pangkaraniwan nang gawain ng kadamánt ang bumaybay sa mga tabi-tabi (para nga maka-pick-up ng pasahero), at kung ginagawa ‘to sigurado mabagal, pero paghumarurot naman as in harurot.

Wala ring huli-huli ng over-speeding, kasi mga katutubo dito ang pangkaraniwang driver ng kadamánt, kaya naman kung mahuli man ng pulis, eh konting:

Kif-halhal habibi, malish, malish.
(Roughly translation: “How are you my dear, it’s ok, it’s ok.”)

At konting beso-beso, ‘yon na ‘yon at ok na ang lahat, harurot na ulit.

Pangkaraniwang sakay ng kadamánt eh mga manggagawang Pana, Pako, Jeypee, Egyptian, Bangali, Yemeni, maging ang mga katutubo nila dito at ang nagtitipid na si Juan dela Cruz. ‘Kaw na lang ang bahalang umintindi sa magiging amoy sa loob pagpinagsama-sama mo ang mga ito. Kahit na umagang-umaga, na dapat preskong-presko, walang pinagkaiba. Syempre naman exempted dito ang mga Pinoy, kasi mababango naman talaga tayo.

'Ngapala, lalaki lang ang puedeng sumakay sa kadamánt. Wala mang nakapaskil na “For Boys Only”, pero sa bansang bawal magsama o mag-usap, o kahit na magkatitigan man lang ang babae at lalakeng hindi naman mag-asawa o magka-ano-ano, walang babae ang naglalakas ng loob na sumubok sumakay ng kadamánt.

Sa pasahe nitong dalawang riyales lang, (dulo-sa-dulo na ng ruta ‘yon, malapit o malayo man), eh talaga namang pang-masa ang kadamánt.

Moya Bahrid

Kung kanina ang kadamánt eh parang katulad na rin ng dyipni sa Pinas, ang kalsada ngayon dito sa Jeddah eh unti-unti na ring nagiging parang mga kalsada ng Pinas.

Talaga?

Uu, sa mga panahong ito eh nag-uumpisa nang maglabasan ang mga naglalako ng kung ano-ano sa kalsada ng Jeddah. Wala ka mang makitang “Takatak Boys” gaya ng sa atin, meron namang “Moya Boys” ang Jeddah. “Moya” o tubig. Mga naglalako ng tubig sa gitna kalsada. “Bahrid”, ibig sabihin malamig – malamig na tubig. Sa presyong isang riyal isang bote (.55 liter – mas mahal pa sa litro ng gasolina, FYI : ang special na gasolina .60 cents at ang unleaded .45 cents ), ok na ring pamatid uhaw. Iabot o ikaway mo lang ang ‘yong isang riyal sa bintana ng sasakyan mo sigurado, mabilis pa sa alas-kwatro (mabilis ba talaga ang alas-kwatro ?) may mag-aabot sa’yo ng malamig na tubig.

Sa mga susunod na entry nalang siguro ko ipapakilala ang iba pang mga manlalaro sa kalsada ng Jeddah.

Abangan…

8 comments:

Lyzius said...

takatak boys...ahahaha..jan naluma ang dubai dahil walang ganyan sa dubey....at bawal rin pumara sa side side lang except sa manong stop sign pls (way ng pagpara sa baguio)

escape said...

hahaha... kakatawa parang pinas din pala dyan. kala ko ay alang jam dyan. para pala ibig sabihin nun.

mahahanap mo kaya location mo sa google earth? para next time pagsakay mo ng taxi, yon na ipakita mo. pangulo sa driver. hehehe...

Dakilang Islander said...

paano naman ang mga babae dyan may jeep rin na para sa kanila lang?

Anonymous said...

teka, eh pano ang mga girls? ano sasakyan nila kung di pwede girls dyan?

Si Me said...

@lyzius

dito kasi meron kang kalayaang pumara kahit saan...karapatan natin 'yon bilang isang pasahero... he he he

@dong

pede ring "para dyan", goole earth? no need na, kasi may GPS system na ang mga taxi dito... he he he, etyos lang...papa-goggle earth ko pa, baka naman lalong umusok ang kili-kili nung driver...

@islander & IFM

para sa mga babae: kung walang sasakyan, manatili nalang sa bahay. kung gusto talaga lumabas kailangan service ng company, o kaya makisakay nalang sa ibang kabayan, given 'yon na si kabayan eh kasama nya rin 'yong pamilya nya, kung wala talaga eh di taxi... though kung minsan hindi safe sa taxi, kasi kapag nakasumpong ng manyakis... alam mo..

pero meron pa ring isang bus na puedeng sumakay ang babae, ngalang nakakulong sila sa dulong bahagi ng bus, at meron silang ibang pintuan kesa sa pintuan ng mga lalaki.

Rio said...

huwaw!! ang mura ng gasolina...pwede bang pasalubungan mo naman ako kahit 5 litro lang...lols..
meron ding bang makulay na kabayo sa sasakya nila??

Si Me said...

doc nung dumating ako dito .80 cents per litter yan, last year nag-birthday 'yong bagong upong hari, so pakitang gilas, habang ang buong mundo eh nagtataas ng presyo, ibinaba naman dito...

haayy.. kung puede nga lang magpabagahe ng gasolina, siguro may gasoline station na ako dyan.. he he he...

Anonymous said...

hmmm.... di na ako nagulat that women are just considered second rate citizens... o well... kinda disappointing pero ganyan talaga.