Dahil nga bukas ang espesyal na araw ng mga ina, kahit puede naman araw-araw eh araw ng mga dakilang ina, so para sa kanya ang blog entry ko na ‘to.
Sa Mahal kong Nanay,
Nay, hindi man ako ganoon ka-expressive sa pag-sasabi sa ‘yo ng “I love you”, pero alam nyo naman sigurong mahal na mahal ko kayo. Siguro nga hindi lang ako masalita, pero
Nay salamat sa pagbibigay mo sa akin ng pagkakataong masilayan ang mundong ito. Salamat sa pagluluwal nyo sa akin sa mundong ito. Sabi nyo nga diba, medyo malikot ako noon sa tiyan mo, at medyo nahirapan kayo sa pagbubuntis sa akin, sensya na ha… pero sulit naman diba, kasi lumabas akong hindi lang healthy, at cute na cute pa.. he he he.
Salamat din nay sa gatas mo na shinare mo sa akin (as if naman may iba ka pang pinaglalaanan ng gatas mo that time, he he he). Salamat sa mga gabing nagpupuyat ka sa pagbabantay sa akin, sa pagpapalit ng lampin ko (hindi pa kasi uso ang diaper that time sa probinsya), kahit na sabi mo “ihi” ako, eh ok lang sa’yo na halos kada dalawang oras eh nagpapalit ka ng lampin ko. Sa paghi-hele mo sa akin noon, though hindi ko talaga matandaan kong ano ang kinakanta mo noon, pero marinig ko lang sa gabi ang himig mo eh nahihimatay nalang ako.
Salamat din sa pag-aakay mo sa akin noong mga panahong hindi ko pa kayang tumayo mag-isa. Noong mga panahong hindi pa ako makalakad. Salamat sa inyo ni tatay na walang pagod na umalalay sa akin hanggang sa ako ay matutong humakbang, lumakad, tumakbo.
Salamat rin sa walang sawa mong patuturo sa akin noong magsalita. Kahit “a” at “ba” lang ata ang mga nasasabi ko eh aliw na aliw na kayo. At salamat rin sa mga gabing kahit banas na banas kayo eh ok lang, kasi nakatutuk lang sa akin ang bintilador, salamat ha.
Salamat rin sa mga paghahanda nyo tuwing ako ay nagbi-bertdey. Sa pansit at sa walang kamatayan mong kending kalabasa. Hindi ko malilimutan ‘yon. Bakit nga pala hindi na kayo gumagawa ng kending kalabasa ngayon?
Salamat rin sa pagpapakilala mo sa akin kay Sta. Klaus. Alam ko, kahit hindi naman tayo ganoon kariwasa sa buhay, eh may nalalaman pa talaga kayong Sta. Klaus – at may pasabit-sabit pa kami ng medyas sa bintana. ‘Yon nga lang masyadong bibo ang anak mo, kaya naman pangalawang pasko palang kaming nagsasabit ng medyas sa bintana eh nabuko na namin na kayong dalawa pala ni tatay ang may pakana ng lahat… he he he, kala nyo ha..
Salamat rin sa pagtatanggol mo sa akin na pagupitan ako ni tatay ng kalbo tapos may konting tirang buhok sa bunbunan. Pasyonista ka na talaga noon pa, at swak na swak sa akin ang “gupit pogi” mo.. well bagay na bagay naman talaga sa akin, pogi eh.
Salamat rin sa mga Royal True Orange at Sky Flakes na treat mo sa akin tuwing ako ay may sinat o lagnat, kahit na kung minsan ‘yong ibang lagnat eh lagnat-lagnatan nalang. Kasi naman kayo eh, kung hindi pa ako lagnatin hindi nyo pa ako patitikimin ng Royal at Sky Flakes… o estrikto ka lang talaga pagdating sa mga softdrinks, kasi tuwing pyesta at pasko lang tayo nagpi-pepsi noon, pero sagana naman sa Tang at Zest-o. Siguro nga nay, health conscious lang kayo noon…
Salamat rin sa pagpupumilit nyo noon na lagi akong naka-sapatos pagpasok ng school. Kahit na ingit na ingit ako sa mga kaswela ko noong naka-tsinelas lang. Kahit bumabaha na eh dapat nakasapatos pa rin ako. Salamat ha, kasi ngayon ko lang na-realized na feeling-astig pala ako that time kasi ‘yong ibang kong kaswela kaya naka-tsinelas eh kasi walang pambili ng sapatos, tapos ako itong naka-sapatos eh panay ang reklamo.
Salamat nay sa walang pagod mo noong pakikinig ng mga
“Ako si pechay, pampahaba ng buhay.”Lakas nyo pumalakpak.. number one fan ko kayo eh.. kaya nga labs na labs ko kayo eh..
Salamat rin nay, sa paniniwala at pagtatanggol nyo ni tatay sa akin noong Grade 3 na hindi ako ang kumuha ng libro sa school. Kahit pa ipagdiinan ni Ma’am Magparangalan na ako ang kumuha ng nawawalang libro, eh nariyan kayo para ipagtanggol ako. Ma’am tandang-tanda ko ‘yon, at akalain mong hindi man lang ako napasama sa top 10 (kahit man lang Most Polite o Most Kind) dahil lang sa “nakawan ng libro” na ‘yon, na sa kalaunan ay na miss-place lang pala. Ma’am ha.. pero ok na ‘yon.
Salamat rin nay, sa mag-isang pagtataguyod mo sa aming magkakapatid. Maaga man tayong iniwan ni tatay, eh tuloy pa rin ang buhay natin. Kahit naman papaano eh hindi mo sa amin ipinaranas ang “magdildil ng asin”. Pero ang klasik toyo, mantika ng baboy at kamatis ha… sobra sarap, walang panama ang sarsa ni mang tomas.
At kahit mahirap sa inyo na mawalay kayo, eh nangibang-bansa kayo para maitaguyod lang kami. Nay salamat ha. Kahit ng nga mahirap ang trabaho pero kinakaya mo maitaguyod lang kaming apat. Tinitiis mo lahat ng hirap at pasakit sa abroad may maipadala ka lang sa amin. Sensya kung noong mga araw na iyon eh sobra ang tamad kong sulatan kayo, hindi ko man lang naisip na ang mga sulat pala namin ang napapalakas at nagiging inspirasyon mo sa araw-araw.
Salamat rin at kaming magkakapatid ang top priority mo lagi. Kahit nga buhay mo eh nakakalimutan mo na para sa aming apat. Mula ng iwan tayo ni tatay eh kinalimutan mo na rin ang love life mo. Don’t worry nay, hindi naman namin kakainin ang mga manliligaw mo eh, medyo kakaliskisan lang namin… he he he.. jok lang.
Hhhayyy.. marami pa akong dapat ipag-pasalamat sa inyo…ngunit kulang ang mga titik upang maipadama ang pasasalamat ko sa inyo.
Basta nay, para sa akin… kayo ang the best na nanay sa buong mundo!!!
Happy Mother’s Day!!!! Nay..
mahal na mahal ko po kayo.. (though hindi lang ako show-ee pero totoo ‘yon, mahal na mahal ko kayo!)
6 comments:
hay naku...yun lang!
as in 'yon lang ha... he he he
hapi mother's day din sa'yo marekoy.
happy mother's dayyyyyyyyyy!!! sabi ng pastor kanina sa simbahan hwag daw pahugasin ng pinggan ang mga nanay ngayong araw na to... itambak lang daw ngayon at bukas nya na hugasan lahat para lang makacelebrate ng mother's day. LOL! mga nanay nga naman... wala akong masabi..
happy mother's day kay nanay yolly...=)
naalala ko tuloy na nanay ko din ang taga gupit ng bangs ko nung bata pa ako..kahit tabi tabingi yun carry ko pa din yun dail sasabihin nyang ..anal, yan ang uso ngayon..may magagawa pa b ako??=)
sarap tlga yang klasik na mantika at toyo..pasok yan lalo n pag ang ka partner ay kaning lamig ni nanay=)
waahhhh.. ang cute naman ng sulat mo para sa nanay mo... nabasa nya ba yan? neways, iniwan din kami ng tatay ko, hindi ko maimagine kung panu nilalabanan ni mama ang lungkot, dagdag pa na nasa malayo kami at hindi namin siya makulit/
late na comments ko, pero hahabol pa rin.
@de lyzius... ganun lang, hapi mother's day!!!
@IFM... oki rin at least naka-rest ang mga nanay.. 'yong mga labahin bukas na rin?? he he he.. hapi mom' day to your mom.
@doc... tama doc, siguro ang isang babae pag naging nanay na eh kasama ang pagiging instant-pasyonistang manggugupit, he he he.. wala ka namang magawa kasi nga sila ang may hawak ang gunting, pero oki lang kasi pagkatapos me champorado at tuyo naman eh.. sarap, sarap... hapi mom's day to your mom!
@tochi3...nabasa naman nya, kasi i made a print of the letter, nga lang noong nabanggit ko ang tungkol sa posting ko ng letter sa blog ko, eh gusto rin makita ang blog ko kaya nagpapabili ng laptop.. he he he... hapi moms day to your mom!
Post a Comment