Tuesday, 25 March 2008

Laro ni Pepe

Ano paborito mong laro? Kahit anong laro. Bola? Tsinelas? Lata? Teks (hindi ito ‘yong SMS ha, hindi pa rin kasi uso ang selpown noon) Kagabi kasi nagkita-kita ang mga Batang Dyeda, at habang sa hindi malamang kadahilanan ay napunta ang aming usapan sa mga LARO – LARO na ito.

Kung ipinanganak ka ng taong 1975 hanggang 1990, maaaring nakapaglaro ka rin nga mga larong pinag-usapan namin kahapon. Sa pagkakaalam ko kasi, noong mga taong iyon hindi pa lumalabas ang Pi-es-pi, wala pa ring Eks-Baks noon at hindi pa rin ganoong nagu-usbungan noon ang mga basketbol kort – hindi katulad ngayon na halos lahat at ng kanto ay meron. Ganoon man ang sitwasyon, ay hindi rin naman napigilan ang mga batang katulad ko, o mga bata noong katulad ng mga Batang Dyeda na makapaglaro.

At narito ang ilan sa mga piling-piling laro na aming napag-usapan.

Luksong Baka: Sa Luksong Baka lagi ay may isang taya. Kung ikaw ang taya, ikaw ang tatalunan ng iba pang mga batang kasali. Sa unang talon, mababa pa – ang taya ay medyo nakatuwad kung saan ang kanyang dalawang kamay ay nakatukod sa kanyang dalawang paa. Kung nalusutan mo ito, tataas ng konti, mula sa paa, lilipat sa tuhod and so on and so forth, hanggang sa mamalayan mo nalang ay mataas na ang baka. At sa mga ganitong pagkakataon, kailangan mo na mainam na bwelo para makatalon ka ng mataas – medyo ingat nga lang para hindi ka matulad sa kaswela ni Genaro na nawasak ang kasunsilyo habang nasa eri. Ang larong ito ay karaniwang nilalaro sa elementarya mula Grade two hanggang Grade five.

Luksong Tinik: Luksuhan pa rin, pero sa pagkakataong ito ay kampihan na – kasi kailangan ng kapareha ng taya. Tulad ang Luksong Baka, kailangan mo pa ring tumalon – mula sa pinaka-mababang lebel hanggang sa pinaka-mataas na kung hindi ako nagkakamali ay tinatawag na “Pusod” lebel. Hindi tulad ang Luksong Baka na kailangan mong itukod ang iyong kamay sa likod ng taya sabay talon, sa Luksong Tinik, hindi dapat lumapat ang anumang parte ng iyong katawan sa mga tinik. Wala naman talagang tinik na involve dito, ang sinasabing tinik ay ang mga kamay ng dalawang taya na nakabukang pinagpapatong-patong. Ang hindi makatalon o ang sumayad sa tinik – TAYA.

Teks: Gaya nang nabanggit ko sa intro, hindi ito ang SMS. Ito ‘yong may “Tsa” at “Tsub”. Ito ‘yong parang mga maliliit na komiks (approx. 1 x 3 inches), kasi sa bawat pahina ng Text ay kaputol na mga kabanata ng isang pelukula. Parang Cara ‘y Cruz rin ang larong ito, at dalawa kayong maglalaro. Parehas kayong pipili ng mga paborito nyong teks, at syempre pipili rin kayo ng panabla. At salitan sa dalawang manlalaro kung sino ang magta-“Talang” o mag-iitsa ng mga teks sa ere. Habang nasa ere palakasan kayo sumigaw ng “tsa” o “tsub”! Tsa ang tawag kung ang mga teks pagbagsak sa lupa ay nakaharap sa langit at Tsub naman kung nakataob ito. Kung dalawang Tsa ang lumabas at naka-tsa rin ang iyong paboritong teks (tsa ang yong pamato at tsa rin ang panabla), ikaw ang panalo. At kung parehas namang Tsa o Tsub ang inyong mga pamato at ang naiiba lang ay ang panabla, tabla ang laban.

Noong mga panahong iyon, naglalaro ako ng teks hindi para makarami ng text, kundi para masubaybayan ko ang istorya sa loob ng teks.

Tatsing / Tantsing: Barya, tsenelas, laruan, bato at iba pang mga bagay na maaaring ihagis ay puedeng isali sa larong Tatsting o Tantsing. Ang larong ito ay walang limitasyon ng kasali, ‘yon ngalang padami ng kasali kailangan ay malaki rin ang parisukat na ipo-porma mo sa lupa. Simple lang itong laruin, kailangan mo lang ng barya, o tsenelas, dipende sa nappagkasunduan nyo ng inyong mga kalaro. Kung barya, ilalagay nyo lahat ng inyong tayang barya sa loob ng isang parisukat na iginuhit nyo sa lupa. Ang pakay ng laro ay mailabas mo ang lahat ng barya sa loob ng parisukat sa pamamagitan ng pag-“tatsing / tantsing” ng iyong pamato na barya rin. Barya kung barya, tsenelas kung tsenelas, laruan kung laruan. Kung sino ang unang titira depende sa kalalabasan ng tira nyo sa “palamanuhan”, eto ‘yong guhit na ilang metro ang layo sa parisukat kung saan ihahagis nyo ang mga pamato at kung sino ang pinaka-malapit sa guhit ay syang mauuna. Karaniwang mga batang lalaki ang naglalaro nito, pero kung minsan naglalaro rin nito ang mga nakatatanda, kasi nga pera-pera na ang labanan dito.

Tumbang Preso: Eto ang klasik na larong Pinoy. Simple lang ang laro, itutumba lang ng mga manlalaro ang preso, este ang lata na pinabantayan ng batang taya. Tsinelas ang ipangtitira mo sa latang nasa gitna ng bilog na guhit katabi ang batang bantay. Isa-isang titirahin ng mga batang kasali ang lata. Kung mapatumba mo ang lata at tumalsik ng malayo, mas mainam, kasi mahihirap ang bantay na pulutin pabalik ang lata. Ang masakit ay kung matamaan mo ang lata ay tumalsik ng malayo ngunit nakatayo pa rin pagbagsak… kasi nangangahulugan ‘yong ikaw ang bagong taya. Medyo agresibo ang larong ito ay maaaring makasakit, lalo na kung tamaan ka ng lata sa mukha.

Sikyo: Masarap itong laruin lalo na sa kaparangan. Kasi kailangan nito ang malayang pagtakbo-takbo. Labanan ito ng dalawang grupo – dalawang grupo ng mga mananakbo. Ang bawat grupo ay may sari-sariling kampo. Sa kampo naka-istasyon ang lahat ng mananakbo. Kung umalis ka sa kampo mo, puede kang habulin at tayain ng kabilang grupo. Pag-kumawang ka o maalis ka sa kampo mo, lagot ka, masigabong takbuhan na hanggang sa mataya ka. At kung mataya ka ng kabilang grupo, alipin ka nila. At pag-sinabing alipin ay kailangan mong dumipa sa kampo ng kalabang grupo hanggang sa ikaw ay madagit ng kasamahan mo. At kung madagit ka, malaya ka na at makakatakbo ka na ulit.

Kapaan sa Barya: Medyo klasik rin ito. Simple lang ang laro. Kalimitan dalawa lang ang puedeng maglaro. Maghahanap lang kayo ng barya at huhulaan nyo lang ang last digit ng manufacturing date ng barya. Sabi nga ni Rey, kung magaling kang manghula at kumapa, ikaw ang panalo.

Lucky Nine sa Perang Papel: Galing kay Genaro ito. Kukunin nyo naman ang serial number ng mga perang papel. Dalawa ang manlalaro nito. Ang bawat manlalaro ay pipili ng kung pang-ilang digit ng serial number ang gusto nila at sa lagay na ‘yon ay hindi pa nila alam ang serial number ng perang papel na lalaruin nila. Kung napili ko ang 2nd and 6th digit, iku-compute ito, patasan ang laban, parang Lucky Nine, puede ring mabutata. Kung sino ang manalo sa kanya na ang perang papel.

Burutan: Hindi ko lang alam kong tama ang term na ginamit ko, pero galing ang isang ito kay Bert. Para rin itong tatsing / tantsing, ilalagay mo ang iyong tsenelas sa gitna ng isang bilog na guhit at may isang taya na magbabantay. Pagtira mo, dapat ay may mailabas kang tsenelas sa bilog. Kasi kung wala kang mailabas, sa bandang huli ay puwedeng ihahagis sa kung saang parte ng mundo ang tsenelas mo at ang problema kung paano mo kukunin. Ngayon kung may mailabas kang tsenelas, puede mong i-trade ang tsenelas mo sa ibang kalarong nakapagpalabas ng tsenelas mo. Kung wala kang nailabas na tsenelas - NABURUT ka!

Hhhaaayyy.. ang dami-daming laro noong bata pa. Hindi ko lang alam kung ang lahat ng mga larong ito ay nalaro ko na. Tara, laro tayo!!!

2 comments:

Anonymous said...

ay ME madami ka din palang alm na laro noong una pwede padagdag ng mga to ^^

tansan, teks, lastikko at kung ano ano pa ehehehehhe tatsing nga pala

Lyzius said...

Nyahahaha... naalala mo ME nung 6-91 na pinauso natin sa central. buhay pa daw yun hanggang nayun...akalain mo yun