Ang tawag sa mga OFW (Overseas Filipino Workers) o ang dating OCW (Overseas Contract Workers) eh mga Bagong Bayani.
Bagong Bayani
Mga bayaning siyang tumutulong upang kahit naman papaano’y makagulapay ang ating Inang Bayan sa kahirapan. Sabi nga sa mga surbey-surbey ang mga ipinapadalang mga dolyares nalang ng mga manggagawang Pinoy sa ibayong dagat ang nagsasalba sa ekonomiya ng Pilipinas.
At bukas, a uno na naman ng Mayo… Araw na naman ng mga Dakilang Manggagawa.
Kaya naman ngayon palang, binabati ko na kayong lahat na mga manggagawang Pilipino.
Mabuhay kayo!
Ok, tapos na ang batian.
Eto na talaga ang entry ko, he he he.
Kadalasan kasi tuwing mga ganitong araw puro pagsasaya at panay ang pagkilala natin sa galing ng mga manggagawang lokal o itong mga nasa ibayong dagat. Kung minsan ay nakakalimutan nating banggitin ang hirap na dinaranas ng mga manggagawang ito.
At dahil kill-joy ako, he he he.. or party-spoiler, himayin natin ang masimuot na mundo ng pangingibang-bansa habang nagdiriwang ang bansa sa Araw ng Paggawa at nagra-rally sa Mendiola ang KMU.
Pangarap: Pag-sinabi kasing mag-aabroad ka para bang solve na lahat ang problema mo sa iiwanang bansa. Laging naroon ang pangarap syempre na maiahon sa kahirap ang mga pamilyang iiwan. Excited na lisanin ang bansa upang umpisahan nang lakaran ang pangarap, subalit sa likod ng matatamis na ngiti at bungingisan ay naroon pa rin ang kalungkutan sa mga mata. Pamamanglaw sa iiwan.
Sa asawa.
Sa anak.
Sa mga magulang.
Sa mga kapatid.
Sa mga kaibigan.
Eh kaya nga ang tawag sa kanila ay Buhay na Bayani eh, kasi handa nilang tiisin ang kalungkutang mawalay sa mga mahal sa buhay mabigyan lamang ng maayos na kabuhayan ang pamilya.
Mapagtapos sa pag-aaral ang mga anak, kapatid.
Makapagpatayo ng sariling bahay sa sariling lupa.
Magkaroon ng kahit na maliit na kabuhayan.
Mga pangarap na baon pag-lipad sa ibang bansa. Pangarap na lalakaran at tutuparin. At lilipad ang eroplano sa saliw ng awitin ni Gary V. – “Babalik ka rin”.
“Talaga, babalik ako…pramis!”
Pangarap na Nauwi sa Bangungot: Noong mga naunang dekada, kung saan ay kasagsagan na pangingibang bansa ng ating mga kababayan, hindi lahat ay pinalad na matupad ang kanilang pangarap.
Ang napaka-gandang pangarap ay nauwi sa nakamamamatay na bangungot.
Ang masakit pa nito eh mismong si Juan dela Cruz ang nang-o-onse sa kanyang kapwa. Maka-raket lang, ‘di bale nang magutom ang kapwa.
Marami akong kakilala na hindi rin pinalad sa kanilang pangarap na makapaghanapbuhay sa ibang bansa. Mga aplay na na-peke. Nariyan ang nagsasanla ng ekta-ektaryang taniman may maipang-placement lang sa recruiter. Kung wala mang lupa, eh manghihiram na lang ng titulo ng lupa para lamang may maisanla. Sa lugar nga namin eh, umabot na sa puntong tumatanggap na nang mga buhay na kalabaw o baka ang mga sanglaan.
Tapos sa bandang huli, lahat ng ito ay mauuwi sa wala.
Sa mga napapanood nga sa telebisyon eh, ‘yon bang obyus na obyus na ang pangga-gago ng mga hinayupak na illegal recruiter na ‘to, pero bakit may patuloy pa rin silang naloloko. At sa halip na sa eroplano papalipad sa minimithing pangarap ay sa presinto nauuwi ang lahat upang magsampa ng asulto sa mga gagong illegal recruiter.
Ang sarap sigurong pumatay ng mga illegal recruiter!
Siguro nga masyado lang tayong madaling magtiwala sa mga taong nasa paligid natin lalo na kung ang pangarap nating umangat sa buhay ang pinag-uusapan. ‘Yon bang kapit sa patalim na sinasabi.
Siguro nga swerte-swerte lang rin. Pero hindi ako naniniwala sa swerte eh, siguro mas magandang term kung “kaloob”. Kung baga, hindi kaloob ni Bathala na mapunta ka sa lugar na pinapangarap, malay mo meron palang mas magandang lugar na nakalaan para sa’yo, diba? Masyado lang kasi tayong mga taong mainipan…
Biglang Liko: Ito ‘yong mga natuloy. Nakalipad palabas ng bansa upang maghanapbuhay, dala ang pangarap na umasenso naman kahit papaano. Nag-iwan ng pangako sa mga naiwanang mahal sa buhay ng kaginhawahan.
Ito ang pangkaraniwang nangyayari dito sa Saudi. Sa Saudi nalang ang aking halimbawa, kasi nasa Saudi ako, ewan ko lang sa ibang mga bansa.
Hindi ko rin masabi na para lamang sa mga lalaki, para rin sa kababaihan.
Bakit biglang lumiko ? Kasi dahil raw sa “kalungkutan” eh may nangyayaring ganito. Dito hindi lang lalaki ang gumagawa. Maging mga kababaihan. Nakakalungkot isiping nakakalimutan agad sa sandaling panahon ang pangakong iniwan sa bansan pinagmulan para maibsan ang “kalungkutan”.
Ang iba naman hindi dahil sa kalungkutan. Upang may makapitan. Masandalan. May makasama. Partikular ang ganito sa mga kababaihan.
Pero hindi rin natin sila masisisi o mahuhusgahan. Lahat naman tayo ay may kanya-kanyang dahilan sa ating mga kinikilos. Kalimitan kasi sila ‘yong mga minaltrato ng amo, mga hindi pinapa-sweldo, mga naaabuso, mga takas, mga walang kaukulang papeles.
At dahil nga ang mga kabayan ay hindi natin matiis, eh nariyan naman tayo upang sumaklolo (‘wag ka nang umasa sa ating konsulada, wala ka ring mapapala sa kanila – ibinabalik pa nila sa mga mapangmaltratong amo ang mga kababayan nating tumatakas. The lesson of the story, paglabas mo ng Pilipinas – you’re on your own, ang konsulada ay para lamang sa mga paliga, singing contest, fashion show, at kung ano-ano pang sosyalan.); ang mali nga lang sa pagsaklolo ng ilan nating mga kababayan eh ‘yong pang-aabuso rin.
On very rare cases (?), meron rin namang mga pagkakataong – “GAMITAN” lang. Kailangang kita, kailangan mo ako. May pugad ka, may ibon ako. So ano pang hinihintay natin??
“Let’s doh it!!!”
Nasisirang Pamilya: Eto ang nakakalungkot. ‘Yon bang kaya ka nangibang bansa ay para ayusin ang nasimulang pamilya, pero kung minsan, eh nauuwi pa ito sa pagkawasak ng pamilya.
Dahil na rin marahil sa "kalungkutan" nga at "pamamanglaw", kaya naisipan nalang na gumawa ng bagong pamilya, total naman malayo sa original na pamilya eh. Ang katwiran pa "dito lang naman 'to eh, pag-uwi sa Pilipinas wala na.".. diba, dito nga lang naman eh.
Hanggang sa umaabot pa sa mga puntong talagang mas ok na ang bagong pamilya, nakakalimutan na ang original na pamilya, ang pamilyang naging dahilan kung bakit sya ay nangibang-bansa.
Meron ring mga katwirang parang ok naman ay parang 'di ok, pero wala akong karapatang humusga... katawirang "hindi ko naman napapabayaan ang pamilya ko sa Pilipinas eh.."
So parang ok lang na baliin ang sinumpaan sa Pilipinas as long as hindi naman napapabayaan or as long as hindi naman pumapalya sa padala...
Nasirang Pamilya: Eto na 'yon.. nasira na nga ang pamilya. Ang pamilyang pilit na binuo, pinilit pagbikisin ng isang pangarap. Pangarap na makaahon sa kahirapan. Pero ang pangarap ring 'yon pala ang wawasak sa pamilyang pilit na binubuo.
Dito maraming ganito.
Meron pa nga tayong mga kababayan na nagco-convert into other religion kasi sa iba allowed na mag-asawa more than one.
Meron namang kinakalimutan nalang talaga ang naiwan sa Pilipinas at nagsisimulang bumuo ng bagong pamilya.
Meron namang patuloy lang sa pagtanggi.
Hindi lang dito sa ibang bansa kung minsan nag-uumpisa ang pagkasira, kung minsan sa mga naiwan rin sa Pilipinas. Mga naiwanang may sariling ring "kalungkutan" at "pamamanglaw". Mga naiwang meron ring sariling rason at katwiran sa kanilang mga ginawa. May sariling paliwanag, may sariling pagtanggi.
Hindi ko alam kung paano wawakasan ang sanaysay na ito....
Maligayang Araw ng Paggawa!!!
1 comment:
Habang binabasa ko ng may tono ang kanta ni gary v, tumutulo ang luha ko... nakikita kong sumusulyap sa akin si mizumoto...hahaha...
pag uwi ko, paulit ulit kong papatugtuguin sa itunes ng mobile ko ang kantang yan.. mag eemote ako sa eroplano...
pushet! naiiyak na naman ako!
...ano mang layo ang marating, singapore, australia, dubai o amerika, babalik at babalik ka rin!
Post a Comment