Tuesday, 27 May 2008

Mayo Bente Otso (unang labas)

28th May 1989, 16:15:09
Danggay



Bang!!!

Bang!!!

Ugh…. Bulagta!

Eeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeee!

Dalawang umaatungal na putok ang bumasag sa payapang kainan at inuman. Lahat ay nagulat. Nag-umpisa nang magkagulo ang mga tao sa paligid. Panay ang tilian ang mga babae, ang mga bata ay palakat na sa takot. Maging ang mga usyosero at tsismosa ng barangay ay sakbibi na rin ng takot. Kanya-kanyang takbo. Kanya-kanyang hanap ng lugar na mapagtataguan.

Parang wala lang na tumalilis papalayo ang taong may hawak ng baril.

Tahimik na ang paligid.
Lumubog na ang araw.

Sa gitna ng sagingan, ang lalakeng nakabulagta, nakataob, hindi kumikibo, duguan - naiwang wala nang buhay.









28th May 1989, 08:00:00
Aplaya


Huling linggo ng Mayo, at sa mga panahong ito ay masayang-masaya ang buong Aplaya. Para na ngang pista dahil sa dami ng banderitas at halos lahat ng tao sa barangay ay abalang-abala. Maging ang mga bata ay hindi magkanda-ugaga sa mga palaro, palosebo, hampas-palayok, agawang buko, palayuan ang ihi, pabilisan kumain ng bato (matigas na tinapay – karaniwang kulay pula). Ang mga kabinataan naman ay abala rin sa paghahanda ng lugar para sa sayawan mamayang gabi. Samantalang ang mga matatanda naman ay aligaga rin sa pagluluto. “Kapusan” o “tapusan” kung tawagin nila ang araw na ito, Katapusan ng Flores de Mayo. Mamayang hapon nga eh may sagala pa, kaya ang ilang piling kadalagahan ng barangay ay naghahanda na rin, nagpapaganda. Ganoon rin ang kanilang mga konsorte, na medyo abala na rin sa pagpapanday ng gagamiting arko sa sagala mamaya.

Ilang metro, hindi kalayuan, nagpaalam si Roberto sa kanyang maybahay na apat na buwan nang buntis sa kanilang bunso. Dadalo kasi sya ng binyagan. Napaki-usapan ng kanyang pinsang si Oscar na sya muna ang dumalo o ‘maghawak’ sa binyag ng kanyang kumpare.

Hindi naman tumanggi si Roberto, wala nga rin naman pang gagawin at mamayang gabi mag-uumpisa ang kasiyahan.

Umalis na si Roberto ng bahay. Hindi na rin nakapagpaalam sa mga anak na lalaki, paano ba nama’y kasali sa mga palaro. ‘Yong isa sumusubok umakyat sa palosebo, ‘yong isa naman ay nakikipagsapalarang matamaan ang nakabiting palayok, samantalang ang isa ay naroon sa intablado nakikipagpatayugan ng ihi.

Ilang minuto pa lang ang nakararaan, bumalik nang bahay si Roberto, may nalimutan raw, at mabilis ring umalis ng masumpungan.

Ilang minuto pa, bumalik na naman ito ng bahay, nagpaalam muli sa kanyang maybahay, at muling sumibat.

Bumalik ulit ng bahay? Oo bumalik ulit, tila may hinahanap sa kanyang maybahay, may naiwanan daw, pero sa bandang huli wala naman pala… nagpapaalam lang muli. Mahabang paalaman, akala mo hindi na uuwi mamayang gabi. Para tuloy ayaw na syang payagan ng kanyang asawa na tumuloy pa, pero hindi na rin napigilan, tumuloy pa rin.







28th May 1989, 08:16:38
Terminal ng Dyip


Naghinhintay si Roberto ng masasakyan.

Mukhang malalim ang iniisip.

Nakatanaw sa malayo, sa kawalan.

Beeeeeeeeeeeeeeeepppppppppp!!!

Driver: Ano sasakay ka ba, o sasakay ka na lang??? sigaw ng driver kay Roberto.

Matagal na palang nakatigil sa harap nya ang dyip, hinihintay lang syang sumakay.

Walang imik na sumakay si Roberto sa dyip. Nakatingin pa rin sa malayo. Parang mabigat ang kanyang loob sa kanyang paglisan. Kita sa mga mata nya ang kapanglawan. Pamamanglaw sa mga iiwanang anak at asawa.

Humarurot ang dyip.

Ang ruta, Dangay...

No comments: