Sunday, 9 March 2008

Panaginip, Dreams, Khwab

Panaginip.
Dreams.
Sawa-sawa shuft enta flim hada belil noum.
Rêve.
Khwab.

Iba’t-ibang dila, iba’t-iba interpretasyon. Ibat’t ibang paniniwala.


Dito sa Saudi, hindi ko lang eksakto alam kung ano sa kanila ang panaginip. Basta kung tatanungin mo sila, kailangan mo lang ipaliwanag kung ano ba talaga ito.

Me: Sadik, kee pak? (Kaibigan, kumusta ka?)
Arabo: Allahamdullelah… kep? (Sa awa at biyaya ni Allah ay maayos, bakit?)
Me: Sadik, enta maloum hada enta noum belil, baden hada enta noum hada juwa enta shuft sawa-sawa flim, mungkin enta shuft tani nafar hada mut? (almost the translation: Kaibigan, alam mo ba ‘yong kung natutulog ka sa gabi, tapos sa pagtulog mo ay may napapanood kang parang pelikula, kung minsan nakikita mo rin kahit ‘yong mga taong patay na?)
Arabo: Aaahh.. eywa. Ish mushkila? (Aaahh..oo. Anong problema?)
Me: La, la, mafi mushkila. Ana kalam, bas. (Wala, wala, walang problema. Nagtatanong lang, tapos.)
Arabo: Blah... Blah...Blah... Blah.... sa? Maloum? (blah...blah...blah... diba? Intinde?)


At natapos ang usapan namin na wala rin akong napala, paano ga’y naubusan na ako ng Arabic words, at ‘yong mga sinasabi nya sa akin ay pawang blah… blah… blah… nalang. Wala na akong maintindihan. Pero ang sigurado, kahit sila man ay nananaginip rin. Ang hindi ko lang alam ay kung ano para sa kanila ang panaginip.

Khwab (ku-wab), eto ang tawag nila sa India sa panaginip. May naniniwala at may hindi. Pero para sa kanila, ang paniginip sa gabi ay para lamang natural o kalikasan na talaga ng isang tao na managinip sa gabi. Parang PC na pag nag-start ka, natural na daraan sya sa booting-up process, ganoon din sa kanila sa pananaginip – na kung ang isang tao ay matulog ng mahimbing, natural na sya ay mananaginip. Kung ito man ay mangyayari sa hiniharap o nangyari na noong nakaraang panahon o kasalukuyang nangyayari, ito ang hindi malinaw para sa kanila. Take note, eto ang mga panaginip sa gabi, eh paano ‘yong mga panaginip sa umaga? Ibang usapan na ulit ‘yon. Para kasi sa isang Indian na nakausap ko na itatago ko sa pangalang Sohail, mas may posebilidad na magkatotoo ang isang panaginip kung ito ay nangyari ng umaga, o kung magbubukang-liwayway. Subalit para kay Sohail, hindi rin malinaw para sa kanya kung ito ay panghinaharap, pangkasalukuyan, o pangnagdaan. Ayon na rin sa kanya, may mga panaginip sya dati na nangyari nga, at may iba namang parang nangyari na.. de jávu ba.

Sa wikang Pranses, ang panaginip ay Rêve (medyo mahirap isulat ang tamang pagbigkas, basta parang wuub). Hindi na ako nag-interview ng Pranses, baka kasi maubos ang baon kung French Bread…

Panaginip ito sa mga Pilipino, at kung medyo masama-sama ang nilalaman at kung minsan ay nauuwi sa kamatayan ng tao, bangungot ang tawag natin dito. Maraming pamahiin o paniniwala tayong mga Pinoy pagdating sa panaginip. At halos lahat ng Pinoy naniniwala sa panaginip. Meron tayong kanya-kanyang interpretasyon, ito ang ilan.

Dagat / Ilog – naglalarawan ito ng emosyon. Depende sa agos o sa sitwasyon ng dagat o ilog kung ito ay maglalarawan ng maganda o hindi magandang emosyon.

Ngipin – maraming paglalarawan sa ngipin, depende sa panaginip. Kung nanaginip ka ng masakit na ngipin, maaari itong maglarawan sa isang karamdaman. At kung nanaginip ka naman ng nahuhulog o nabubunot na ngipin, eto ang kamatayan – aprobado raw ito. Hindi ko lang alam kung ano ang gustong iparating kung pinapastahan, niru-root canal, o kaya namay ay nilalagyan ng brace ang ngipin.

Tae / Elvs – Pera… pera … at pera pa rin. Sabi nila, pagbaho (may amoy ba ang panaginip?) at pagdami ng tae sa paligid mo sa ‘yong panaginip ay mas maliki ang posibilidad na magkapera ka.

Dugo – marami ring paliwanag sa kung ano ang ibig sabihin ng dugo sa panaginip. Depende rin ‘yon kung ang panaginip mo ay colored o black & white. Ang dugo ay puedeng simula ng isang bagong buhay, puede ring kamatayan, puede ring paglilinis, depende sa panaginip.

Taong Patay – eto hindi malinaw, kasi dito puedeng nagpaparamdam yong taong namatay na, o puede ring may gusto syang sabihin doon sa nananaginip, o puede ring napadaan lang sa background – depende pa rin sa panaginip. Pero ironic, kasi kung ang makikita mo sa panaginip mo ay buhay pa, pero patay na sya sa panaginip mo, puede raw itong sumimbolo ng bagong pag-asa o bagong simulain. Para bang pinatay mo na ‘yong dati mong pagkatao, at mag-uumpisa ka muli ng isang bagong buhay.

Colored / Black & White na Panaginip – sabi noong kasabay ko sa service kanina, kung colored raw ang panaginip mo, ibig sabihin ay makulay raw ang buhay mo, at kung black & white naman ay syang kabaliktaran… walang kawenta-wenta ang buhay.

Tumatakbo – eto marami ring paliwanag tungkol dito at depende sa tinatakbuhan mo o kung saan ka pupunta. Puede raw itong sumimbolo sa pagtakas mo sa isang kalagayan sa buhay, puede rin itong pagtakas sa nakaraan.

Numero – lahat yata ng taong mahilig tumaya sa lottery, weteng, at sa kung ano pang sugal na may numero, ang pananaginip ng numero ay isang biyaya. Lahat ng mga mananaya ay nangangarap na sana bago dumating ang grand draw makapanaginip ng numero. Meron pa nga sila talaan kung anong numero sumisimbolo ang isang ahas, kahoy, bag, at marami pang iba. Ito ‘yong “tip from heaven” na sinasabi nila, na kung minsan hindi naman ganoon ka-accurate ang tip, kasi puedeng tumama, puedeng hindi.

Marami pang klase nang panaginip. Marami pang iba’t-ibang materyales ang puedeng lumabas sa panaginip. Sabi nang ilan, puede raw na ang panaginip ay kabaliktaran ng gising na buhay. Puede rin daw itong mga tagong pagnanasa ng isang tao na hindi nya maisagawa sa gising na daigdig, kung kaya’t lumalabas ito sa kanyang natutulog na kamalayan. Kakaiba talaga ang tao ‘no?

Si Bantay kaya, o si Miming, o si Nemo, nananaginip rin kaya? May kahulugan kaya ang mga panaginip nila?

Ikaw, anong napanaginipan mo kagabi?

Saturday, 8 March 2008

Naniniwala kaba sa Multo?

Katatapos ko lang mananghalian. Habang nagpapahinga nag konti naisipan kong linisin ang laman ng telepono ko. Dalawa lang kami ni sir tony sa office, nasa harapan ko ang table nya. Tahimik ang paligid, maliban sa paminsan-minsang pagtipa ni sir tony sa keyboard na computer nya. Naging abala ako sa paglilinis ng laman ng telepono ko, hanggang sa hindi ko na namalayan ang pagtakbo ng oras....parang hindi ko na rin naririnig ang pagtipa ni sir tony sa keyboard ng computer nya. Nag-iisa nalang pala ako sa office. Parang ang lamig-lamig ng paligid...kahit ang aking mga kamay ay nanlalamig.... Hanggang sa.. he he he prelude lang po.. eto na ang kwento.


Hanggang sa na-browse ko 'yong internal folder ng telepono ko. Yong music folder - empty, yong documents folder - empty, application folder - empty, other folder empty, picture folder - 1 file. Ooppss... may file pala ako sa phone memory, hindi naman kasi ako nasi-save ng file sa phone memory ko, lahat ng file ko asa external memory. In-open ko 'yong folder.


~SDSM640.jpg


Picture ng babae ang nasa thumbnail. Pinipilit kong kilalanin, pero hindi ko naman kilala.. so binuksan ko 'yong file...


.... loading


at nagbukas nga ang file... muli kinilabutan ako ng makila ko ang larawan, kung paano ako kinilabutan noong una ko itong makita.


Nobyembre noong nakaraang taon, Undas, at tuwing sasapit ang ganitong panahon sa kalendaryo ng mga Pilipino, hinding-hindi mawawala ang usapang multo...galing kay ate lala ang larawang ito. Larawan daw ito ng dalawa nyang kaibigan na kinunan sa palikuran ng kanilang paaralan. Kung pagmamasdan mo ang larawan, parang ordinaryong larawan lang. Subalit kung susuriin mong mabuti, parang may kakaiba. Bukod sa kanilang dalawa ay may isa pang tao sa likod nila. Hindi mang tuwirang sabihin ni ate lala kung sino ang pangatlong babae sa larawan, lumalabas na isa itong multo. Noong una ko itong makita, matapos akong kilabutan, ay napagisip-isip ko na baka in-adobe photoshop 'tong larawan na 'to... pero sabi mismo ni ate lala, matapos kunan ang larawang ito ay ipinasa raw sa kanya ito sa pamamagitan ng bluetooth at imposibleng mai-edit pa ito. At sa puntong 'yon, nag-umpisa ang usapan tungkol sa kung anong kasaysayan meron ang palikurang iyon sa kanilang paaralan. Na noong unang panahon daw ay may namatay doon sa palikurang iyon. Maraming kuwento. Iba't-ibang bersyon. Sa dami, hindi mo na alam kung alin ang totoo at alin ang kuwentong bayan.


Ikaw naniniwala ka ba sa multo?


Multo nga kaya ang nasa larawan? O isa lamang repliksyon sa salamin. Kung repliksyon man, repliksyon nino? Kung isa nga itong multo, ano naman ang dahilan ng kanyang pagpaparamdam o pagpapakita? Pero kung tutuusin nga mas mabuti pa itong mga multong 'to nagpaparamdam (wag lang manakot ha), may ibang mumu kasi na hindi na talaga nagpaparamdam...


In-edit kaya ang larawang ito? Pero may tiwala ako kay ate lala... unedited 'to.

Timecard

Good morning. Maaga ako today... 18 after pa lang andito na ako sa office, so i still have good 12 minutes to blog... yon ang akala ko, kaso halos magkasunod lang kaming dumating ng boss ko, so bokya ang plano. Ganoonpaman, sabi nga kung talagang gusto may paraan, kung ayaw maraming dahilan... kaya eto back to work ako, but doing blog at the background - multi-tasking ga.

Napansin ko lang dito sa office, dito kasi kahit gaano ka pa kaaga or gaano ka pa ka-late magtrabaho, hindi ka babayaran ng over-time - so fix yon. Pero kahit ganoon pa man ang sitwasyon hindi ko lang alam kung bakit ba sa umaga ay paunahan lagi kaming mag-punch ng timecard namin. Para bang it feels good when you see that you're earlier than the actual time of work, kahit pa isang minuto - basta nauna ako sa timing, parang 50% complete na ang araw.


50%, kasi ang karugtong ay sa uwian naman.. Kung sa umaga unahan ang pag-punch ng timecard, sa hapon naman kung uuwi na... eh naghihintayan naman. Muli, andoon na naman 'yong feel-good thing, na ang sarap-sarap ng pakiramdam kung lumampas ka ng kahit isang minuto sa itinakdang oras ng trabaho. Andun 'yong magkakaroon ng konting kuwentuhan sa pila, kwentuhan na work related naman, kaso 'yong subject ay ilang beses na nilang napagkwentuhan sa buong maghapon. Syempre 'yong mga hindi naman nagmamadaling umuwi, join na rin sa kwentuhan, kaya magkakaroon ng ilang minutong traffic sa pila, natural konting delay rin sa pagpa-punch ng timecard... and take note, wala namang bayad 'yon... well, the only consideration i guess is that you're feeling good about it, right? At pagnai-punch na 'yong timecard.. kompleto na rin ang buong maghapon.. 100%. Nagtrabaho ka ng 8.5 hours sa buong mag-hapon, at may ibidensya ka - ang timecard mo, and yet ang bayad sa 'yo ay para lamang sa 8 hours na talagang takdang oras ng trabaho..


Ok na rin 'yon, kasi hindi naman lahat ng oras sa 8 hours na 'yon ay puro trabaho talaga... eto nga eh, nakakapag-blog pa. Kasama na sa 8 hours na 'yon ang kape, tsaa, at yong konting balitaan sa mga kabayan sa paligid, plus mga personal calls...


Trabaho muna ako... mamya nalang ulit..

Friday, 7 March 2008

Anak ng Prutas!!!

Thursday morning, nakatanggap ako ng presentation/email galing kay francis, tungkol sa mga prutas. ano nga bang meron sa mga prutas na 'to? at sino naman si francis? fruit vendor ba sya? he he he... hindi.. si francis ay isang inhenyero - QC, kasama ko sya dati sa steam power plant project namin. matapos nga ang aming project sa gilid ng red sea, nagkahiwa-hiwalay na kami, pero ok pa naman ang kuminikasyon. asa colon, panama sya ngayon, gaya ng natapos na project namin dito, power plant rin. so kilala mo na si francis?

e ano naman ang laman ng presentation nya? tungkol sya sa tamang pagkain ng prutas. meron ba noon? opo, ayon sa presentation nya, meron palang tamang pagkain ng prutas para lalo tayong makinabang sa kung ano mang bitamina at miniral ang dala nito sa ating katawan. mukhang ok naman, sinubukan ko. sakto naman noong thursday ang agahan ko ay isang basong katas ng dalandan, isang mansanas, at tatlong tabletas - food supplement.

sinimulan ko nga ang tinatawag doon sa presentation na "paglilinis ng prutas" o "fruit cleansing"... to detoxify daw ang ating katawan.

natural pagkatapos ng trabaho deretso na sa grocery para mamili ng prutas. iba't-ibang klase ng prutas. 'yong iba nga hindi ko alam kainin, dito ko nalang nakita sa saudi, sa totoo lang noong nasa mindoro pa ako, nakakatikim lang ata ako ng prutas tuwing pasko at bagong taon. o kaya naman ay kung may kamag-anak ako galing maynila na may daling isang supot na mansanas. kung puwede kong pag-abutin ng isang linggo 'yong mansanas ay gagawin ko. minsan nga itinatanim ko pa ang buto - para kung tumubo hindi ko na kailangang maghintay ng pasko o bagong taon. kaso naman, tinamaan talaga ng prutas o.. hindi talaga tumubo. kahit yong ubas hindi rin tumubo, mabuti pa yong kamatis o 'yong balatong eh, sibol agad.. nakarating na ako dito sa saudi 'yong mga binhing itinanim ko, ala pa ring sibol.

balik sa fruit cleansing.. pangalawang araw ko na 'to. sabi sa panuto, dapat tatlong araw ko raw na gawin ito. so far, surviving pa naman. mabubuhay pala ang tao na prutas lang ang kinakain, tubig at katas ng prutas ang iniinum.. medyo may kamahalan nga lang, pero kung para naman sa kalusugan, ok na rin.

napansin ko lang, hindi na ako sinisikmura kung kumakain ako ng prutas sa umaga... un bang pagkagising mo, kagat ka agad sa mansanas at lagok ng katas ng ubas o dalandan..

ok, naman.. hindi ko pa mairikomenda kung talaga bang ayos ito.. pero siguro sa pangalwang araw ko, mabuti naman... 'yon nga lang parang naglalaway ka pagnakakita ka ng kumakain ng hamburger o shawarma.

hhhaaayy... yan po ang buhay prutas.

Thursday, 6 March 2008

me's back!!!

Makalipas ang mahabang panahon ng pagkakatulog, eto na naman ako, nagising. Agosto pa nang nakaraang taon ang una at huli kong blog, at kung babasahin mo ay walang kakwenta-kwenta... masabi lang na "blogger" rin ako.


Salamat kay Lyzius, na muli ay nagpakilala sa akin kung ano ba talaga etong tinatawag nilang "BLOG"... akala ko noon ang blog ay isang tunog, na kung mahulog ka galing sa isang mataas na lugar pag bagsak mo.. "blog!".. at may kasamang aray... hindi ito joke, though nasa "IT Dept." ako ng kumpanya pero wala man lang akong kai-ide-idea kung ano ba talaga ang blog. At dyan pumasok si Lyzius, salamat Lyzius... sa blog kasi ni Lyzius na appreciate ko kung ano ba talaga ang blog at sino ba talaga ang blogger... siguro tatanong mo kung sino ba si Lyzius, puwes silipin mo nalang ang kanyang blog, follow this link: http://lyzius.blogspot.com/. Though naririnig ko na noon pa man ang salitang blog, ako nagpapanggap lang na alam ko ang pinaguusapan, since na nasa "IT Dept." nga ako, so 'yong mga wala talagang alam kung ano ang blog, syempre sa akin sila magtatanong... back then, hindi ko alam ang sagot.



Pinoy 1: Me, ano ba 'yong blog?
Me: mmmm....
Pinoy 1: Marami kasi akong alam na nagba-blog eh...
Me: Talaga? Alam ko kasi para syang My Space eh..
Pinoy 1: Ano 'yong My Space?
Me: Mamya nalang, trabaho muna ako... (makatakas lang)
Pinoy 1: oki



Siguro ngayon, kung tatanungin nya ako kung ano ba ang blog, at least kahit papaano may idea na talaga ako kung ano ba talaga 'yon.



Thursday ngayon, consider weekend sya dito sa Saudi. So half day lang ang pasok. Hindi ko lang alam, kung bakit nitong mga nakaraang buwan ay lagi na lamang parang isinumpa ang araw ng Huwebes. Bakit? Kasi naman tuwi nalang Huwebes puro alikabok ang paligid. Yup, sandstorm... wala namang hangin, basta 'yong mga alikabok ay naka-hang sa hangin, kaya naman may singot mo talaga namang sigong-sigu, ramdam na ramdam mo ang panunuot ng alikabok sa butas ng iyong ilong. At dahil maalikabok, maalinsangan rin... kaya parang nasa gilid ka ng oven ang temperature.



Bukod sa half-day ang trabaho tuwing Huwebes, ito rin kung saan ang Balad ay punong-puno nga mga Pilipino. Ang Balad kasi ay isang district dito sa Jeddah, na parang sentro ng komersyo - parang Divisoria na. Dito maraming bangko, padalahan ng pera, maraming tindahan, bilihan ng ginto, bilyaran, internet cafe, kainan, pagupitan, at tagpuan na rin, kaya punong-puno ito tuwing Huwebes at Biyernes. Lalo na kung mapapataon na suweldo, talaga namang pila balde sa mga padalahan ng pera. Puno rin ang kainan, syempre bagong suweldo... marami rin ang bagong gupit, at yong mga gustong "mapalago" pa ang kinata sa loob ng isang buwan sa bilyaran ang punta.. pusatahan kasi kadalasan ang laro doon, kahit nga darts may pustahan rin pala. Pero hindi lahat ng nagpupunta doon lumalago ang pera... syempre may nananalo at may natatalo. At sa mukha palang alam mo na kung sino ang natalo at nanalo... nakangiting parang nang-aasar ang nanalo, ang natalo naman nakakunot ang noo, at medyo nakataas ang kilay na parang napapanood sa mga telenobela.. na may balak gumanti..



'yon nalang muna siguro sa araw na 'to... may Sabado pa naman..



at ang aral sa araw na 'to... wag magpanggap na alam mo ang mga bagay na hindi mo alam... mas mabuti pang sabihin mong hindi mo alam kesa magpanggap kang alam mo.



that was me...