Saturday, 10 May 2008

Nanay Yolly (a repost)

Isang bukas na liham para sa aking nanay... kay nanay yolly.
Dahil nga bukas ang espesyal na araw ng mga ina, kahit puede naman araw-araw eh araw ng mga dakilang ina, so para sa kanya ang blog entry ko na ‘to.


Sa Mahal kong Nanay,


Nay, hindi man ako ganoon ka-expressive sa pag-sasabi sa ‘yo ng “I love you”, pero alam nyo naman sigurong mahal na mahal ko kayo. Siguro nga hindi lang ako masalita, pero sana naman kahit papaano eh naipadarama ko sa inyo kung gaano ko kayo kamahal.


Nay salamat sa pagbibigay mo sa akin ng pagkakataong masilayan ang mundong ito. Salamat sa pagluluwal nyo sa akin sa mundong ito. Sabi nyo nga diba, medyo malikot ako noon sa tiyan mo, at medyo nahirapan kayo sa pagbubuntis sa akin, sensya na ha… pero sulit naman diba, kasi lumabas akong hindi lang healthy, at cute na cute pa.. he he he.


Salamat din nay sa gatas mo na shinare mo sa akin (as if naman may iba ka pang pinaglalaanan ng gatas mo that time, he he he). Salamat sa mga gabing nagpupuyat ka sa pagbabantay sa akin, sa pagpapalit ng lampin ko (hindi pa kasi uso ang diaper that time sa probinsya), kahit na sabi mo “ihi” ako, eh ok lang sa’yo na halos kada dalawang oras eh nagpapalit ka ng lampin ko. Sa paghi-hele mo sa akin noon, though hindi ko talaga matandaan kong ano ang kinakanta mo noon, pero marinig ko lang sa gabi ang himig mo eh nahihimatay nalang ako.



Salamat din sa pag-aakay mo sa akin noong mga panahong hindi ko pa kayang tumayo mag-isa. Noong mga panahong hindi pa ako makalakad. Salamat sa inyo ni tatay na walang pagod na umalalay sa akin hanggang sa ako ay matutong humakbang, lumakad, tumakbo.


Salamat rin sa walang sawa mong patuturo sa akin noong magsalita. Kahit “a” at “ba” lang ata ang mga nasasabi ko eh aliw na aliw na kayo. At salamat rin sa mga gabing kahit banas na banas kayo eh ok lang, kasi nakatutuk lang sa akin ang bintilador, salamat ha.


Salamat rin sa mga paghahanda nyo tuwing ako ay nagbi-bertdey. Sa pansit at sa walang kamatayan mong kending kalabasa. Hindi ko malilimutan ‘yon. Bakit nga pala hindi na kayo gumagawa ng kending kalabasa ngayon?


Salamat rin sa pagpapakilala mo sa akin kay Sta. Klaus. Alam ko, kahit hindi naman tayo ganoon kariwasa sa buhay, eh may nalalaman pa talaga kayong Sta. Klaus – at may pasabit-sabit pa kami ng medyas sa bintana. ‘Yon nga lang masyadong bibo ang anak mo, kaya naman pangalawang pasko palang kaming nagsasabit ng medyas sa bintana eh nabuko na namin na kayong dalawa pala ni tatay ang may pakana ng lahat… he he he, kala nyo ha..


Salamat rin sa pagtatanggol mo sa akin na pagupitan ako ni tatay ng kalbo tapos may konting tirang buhok sa bunbunan. Pasyonista ka na talaga noon pa, at swak na swak sa akin ang “gupit pogi” mo.. well bagay na bagay naman talaga sa akin, pogi eh.


Salamat rin sa mga Royal True Orange at Sky Flakes na treat mo sa akin tuwing ako ay may sinat o lagnat, kahit na kung minsan ‘yong ibang lagnat eh lagnat-lagnatan nalang. Kasi naman kayo eh, kung hindi pa ako lagnatin hindi nyo pa ako patitikimin ng Royal at Sky Flakes… o estrikto ka lang talaga pagdating sa mga softdrinks, kasi tuwing pyesta at pasko lang tayo nagpi-pepsi noon, pero sagana naman sa Tang at Zest-o. Siguro nga nay, health conscious lang kayo noon…


Salamat rin sa pagpupumilit nyo noon na lagi akong naka-sapatos pagpasok ng school. Kahit na ingit na ingit ako sa mga kaswela ko noong naka-tsinelas lang. Kahit bumabaha na eh dapat nakasapatos pa rin ako. Salamat ha, kasi ngayon ko lang na-realized na feeling-astig pala ako that time kasi ‘yong ibang kong kaswela kaya naka-tsinelas eh kasi walang pambili ng sapatos, tapos ako itong naka-sapatos eh panay ang reklamo.


Salamat nay sa walang pagod mo noong pakikinig ng mga tula ko. Alam ko rinding-rindi na kayo sa akin noon pero patuloy lang kayong nakikinig, kahit na nga paulit-ulit na ako. Kaya naman diba kayo ang manager ko noon tuwing pyesta at patutulain ako sa plaza. Basta kasali ako sa mga tulaan noon, lagi kayong nandyan para suportahan ako, kahit na hindi kayo makapagluto ng tanghalian, makapaghagilap lang kayo ng dahon ng pechay para sa aking tula sa Linggo ng Kalusugan.
Ako si pechay, pampahaba ng buhay.
Lakas nyo pumalakpak.. number one fan ko kayo eh.. kaya nga labs na labs ko kayo eh..


Salamat rin nay, sa paniniwala at pagtatanggol nyo ni tatay sa akin noong Grade 3 na hindi ako ang kumuha ng libro sa school. Kahit pa ipagdiinan ni Ma’am Magparangalan na ako ang kumuha ng nawawalang libro, eh nariyan kayo para ipagtanggol ako. Ma’am tandang-tanda ko ‘yon, at akalain mong hindi man lang ako napasama sa top 10 (kahit man lang Most Polite o Most Kind) dahil lang sa “nakawan ng libro” na ‘yon, na sa kalaunan ay na miss-place lang pala. Ma’am ha.. pero ok na ‘yon.


Salamat rin nay, sa mag-isang pagtataguyod mo sa aming magkakapatid. Maaga man tayong iniwan ni tatay, eh tuloy pa rin ang buhay natin. Kahit naman papaano eh hindi mo sa amin ipinaranas ang “magdildil ng asin”. Pero ang klasik toyo, mantika ng baboy at kamatis ha… sobra sarap, walang panama ang sarsa ni mang tomas.
At kahit mahirap sa inyo na mawalay kayo, eh nangibang-bansa kayo para maitaguyod lang kami. Nay salamat ha. Kahit ng nga mahirap ang trabaho pero kinakaya mo maitaguyod lang kaming apat. Tinitiis mo lahat ng hirap at pasakit sa abroad may maipadala ka lang sa amin. Sensya kung noong mga araw na iyon eh sobra ang tamad kong sulatan kayo, hindi ko man lang naisip na ang mga sulat pala namin ang napapalakas at nagiging inspirasyon mo sa araw-araw.


Salamat rin at kaming magkakapatid ang top priority mo lagi. Kahit nga buhay mo eh nakakalimutan mo na para sa aming apat. Mula ng iwan tayo ni tatay eh kinalimutan mo na rin ang love life mo. Don’t worry nay, hindi naman namin kakainin ang mga manliligaw mo eh, medyo kakaliskisan lang namin… he he he.. jok lang.


Hhhayyy.. marami pa akong dapat ipag-pasalamat sa inyo…ngunit kulang ang mga titik upang maipadama ang pasasalamat ko sa inyo.


Basta nay, para sa akin… kayo ang the best na nanay sa buong mundo!!!
Happy Mother’s Day!!!! Nay..
 mahal na mahal ko po kayo.. (though hindi lang ako show-ee pero totoo ‘yon, mahal na mahal ko kayo!)

Sunday, 4 May 2008

Kamukha Ko Si...

Ako ay nagbalik. Kaya eto medyo balik blog. Hindi ko lang alam kong adik ako, pero iba ang pakiramdam kung hindi man lang ako makapag-blog, o kahit na nga mabisita ang mga nasa listahan ng mga blogs ko. Para bang me kulang, though nakatulog naman ako.. so siguro hindi pa naman ako ganoon kaadik. Kasi kung adik na adik na talaga ako, baka hindi na ako makapagkatulog at kung makatulog man ay mapanaginipan ko na ang pagba-blog. Kung adik man ako, wala ring problema…

ADIK!!!

Kahapon, nasilip ko sa clinic ni dra. ang tungkol sa My Heritage face recognition thingy. Kung sino ang kamukha ko sa mundo ng showbiz. Sa mundo ng entertainment. Sa mundo ng palakasan. Mga kilalang taong ka-mukha ko. Kumbaga, isa lang ang hulmahan namin. Mapa lalaki o babae, walang pinipili. Basta:

Ka-mukha
Ka-ilong
Ka-mata
Ka-kulay
Ka-buhok
Ka-panga
Ka-labi
Ka-balat
Ka-tenga

Basta ‘yon na ‘yon.

Naging intresado tuloy ako. Kaya naman naghalungkat agad ako ng mga pinaka-huli kong larawan sa aking baul.

At nang makasumpong nga ng sa palagay ko ay maayos na larawan, ‘yon bang artistahin ang posing, though artistahin naman talaga ako.. he he he.., tipa ko agad address:
www.myheritage.com.

Upload ko ang aking pichur.


At pagkatapos ng ilang minuto. Ilang minutong kunwari ay abala sa trabaho, ‘yon pala eh may nangyayaring paghahambing sa likuran, eto ang naging resulta. Mga resulta hindi ko alam kung bakit sila ang mga “ka-mukha” ko raw. Wala nga akong kilala dito sa mga kamukha kong ito eh.



Rani Mukherjee (68%) – an award winning Indian actress of Bollywood. Magaling daw ‘to sa iyakan at drama. Hindi ko pa rin ma-gets kung bakit kasama ito sa listahan ko.

J.M. Coetzee (63%) – a nobel prize winner for literature. Mukhang astig ‘to. siguro kasi mahilig sya sa literature, ako mahilig rin. Sya ang taga-sulat, ako ang taga-basa.

Giacomo Puccini (60%) – pangalan pa lang Italyanong-italyano na. Kumpositor ang isang ito sa mga opera house sa Italy. Mahilig sa musika. Mahilig tumugtog. Mahilig rin ako sa music, nagpupumilit umipit at kumaskas ng gitara, pero parang walang hilig ang gitara sa akin. Pakantahin mo nalang ako.

Riya Hayworth (59%) – eto and sikat na sex-symbol ng Hollywood noong dekada kwarenta. At ako naman ang sex symbol ng Jeddah.. he he he, bawal kumontra.

Roh Moo Hyun (55%) – politiko, pangulo ng South Korea - para tuloy gusto ko nang pumasok sa politika eh a.k.a. "public service".

Kim ki duk (58%)– Koreano pa rin, eto naman director ng pelikula. Kontrobersyal sa isyu ng “cruelty to animals” sa kanyang mga pelikula.

Albert Einstein (56%) sigurado hindi kami magkakasundo nito sa Physics.

Magic Johnson (55%) – siguro parehas lang oily ang face namin sa pic kaya nag-match kami. Isa sa mga sikat na AIDS patient, well ako hindi naman sikat pero dito sa opis eh AIDS (As If Doing Something) patient rin ako.

Lu xun (55%) – Intsik. short story wrier ‘to. Di ko lang alam kung nakikita sa mukha ang pagiging manunulat. Kung hilig nya magsulat, sige basa nalang ako.

Allen Iverson (54%) – ang alam ko basketball player ‘to. hindi ko alam kung bakit sya kasama sa listahan ng mga kamukha ko, pero siguro ka-ilong(?).

Saturday, 3 May 2008

Katahimikan

Connecting…

Connected.

Disconnected.

Connecting…

Connected.

Disconnected.

Paulit-ulit ngayong umaga. Tapos panay ang kaltas ng STC sa aking account at kung minsan naman ay nagbabalik naman ng sukli.

Ano kayang meron ngayong umaga?? Hanggang kay Lyzius palang ang nabibisita ko, eh napuputol na ang koneksyon ko. May balāt kaya sa pwet ‘tong si Lyzius? Ayaw ko nang pag-usapan yan.. he he he.

Connect ko ulit.

Connecting…

Connected.

Disconnected.

Wala talaga… hanggang sa…

Tiiittt..tiiittt!

Message.

Sender No.: 11186

Message:

Dear Customer: You have consumed your entire JawalNet Bundle.

Kaya naman pala eh! Kelangan ko na palang mag-renew ng aking subscription. Buti nalang at nakapagpa-attendance na ako. At sigurado sa araw na ito ay wala ako sa listahan ng maiingay kasi mananahimik muna ako ngayon hanggang mamayang hapon.

Hanggang sa muli mga bata… magpapakabait!

Thursday, 1 May 2008

New 7 Wonders of the World Update

Mabilis lang 'to. 

Bumisita ako kani-kanina lang sa site ng new 7 wonders of the world.

At update lang para sa ating mga kabayan. Patuloy po ang pamamayagpag ng ating mga kandidato. Patuloy na pinatutunayan sa buong mundo na merong ibubuga ang lahi ni Juan Dela Cruz. Narito ang kasalukuyang posisyon ng ating mga nominado.


8. Tubbatah Reef ng Palawan


9. Chocolate Hills ng Bohol


39. Underground River ng Palawan

Para po sa completong listahan ng pinaka-huling talaan ng mga nomindo, paki-sundan lang po ang link na 'to: http://www.new7wonders.com/nature/en/liveranking/

Boto lang tayo.. at ipagmalaki ang sariling atin!!!!

Mabuhay ang Pilipinas!

Araw ng Paggagawa

Tuwi nalang sasapit ang unang araw ng buwan ng Mayo ay hinding-hindi malilimutan nating mga Pinoy kung ano ang meron sa araw na ito. Diba kulay pula nga ito sa ating mga tala-arawan (kalendaryo).

Kung nabanggit ang "a-uno ng Mayo", kung hindi man lahat ay madalas sumasagi ang mga larawan sa ating isipan tuwing Mayo a-uno. Mga malawakang pagtitipon ng iba't-ibang unyon. Pagma-martsa mula sa Mabuhay Rotonda hanggang sa panulukan ng Legarda at Mediola. Ang walang kamatayang sigaw ng mga manggagawa ng umento sa sahod. Kung sino-sinong kilalang personalidad, poliko at lider ng unyon na nakatayo at matatas na nagsasalita sa ibabaw ng entablado sa paanan ng tulay ni Chino Roces.

Araw ito para sa mga dakilang manggagawa.

Subalit saan ba ito nagsimula? Pa'no ba ito nag-umpisa?

Sabi ng Wikipedia, ang Araw ng Paggawa o ang Labor Day ay isang pambansang kapisatahan ng Amerika. Iba sa nakagawian nating mga Pinoy, ito ay ipinagdiriwang tuwing unang Lunes sa buwan ng Setyembre. Ito ay nag-umpisa noong taong 1882, sa kagustuhan ng Central Labor Union ng Amerika na gumawa ng isang araw ng pamamahinga para sa mga "manggagawa". Ito ay naging isang Pista-Opisyal base na rin sa itinakda ng Act of Congress noong 1894.

Sa Wikipedia pa rin, sa ibang bansa ang Araw ng Paggawa o ang Labor Day ay tinatawag ring May Day, at gaya nga ng nakamulatan nating mga Pinoy, ito ay ipinagdiriwang tuwing unang araw ng Mayo. Sa maraming bansa, ito ay itinuturing na Pista-opisyal. Ang pambansang pagkilala at pagdiriwang para bigyang pugay ang mga naiambag na tulong nga mga manggagawa sa paglago ng ekonomiya ng isang bansa.

Sa mga unang tala kung saan ito nagmula, sinasabing ang unang pagdiriwang nito ay naganap noong hindi pa man naaabot ng Kristiyanismo ang Europa. Noong mga panahong iyon kung saan ay halos lahat ay pagano, maraming pista ang ipinagbawal dahil sa unti-unting pagkalat ng Kristiyanismo sa Europa. Kalimitang kinapapaloobang ang pagdiriwang ng masaya at walang humpay na sayawang tinatawag ng "Maypole" at ang pagpuputong ng korona para sa mapipiling Reyna ng Mayo.

Sa Romano Katoliko, ipinagdiriwang ang Mayo bilang buwan ng Birheng Maria. Sa ganitong paniniwala, ang May Day ay ang umpisa ng isang buwang pagdiriwang para sa Birheng Maria. Sa Mindoro ang tawag namin ay Flores de Mayo, kung saan sa loob ng isang buwan ay gabi-gabi ang pag-aalay ng bulalak sa Birheng Maria.

Ang May Day / Labor Day ay inaari rin bilang pandaigdigang araw ng paggawa. Ito rin ay upang alalahanin ang araw kung saan ay ipinaglaban ni Robert Owen ng Britanya ng tinatawag na "Eight Hour Day", o ang pagta-trabaho ng isang manggagawa sa loob ng walong oras sa isang araw.

Bakit May 01?

Napili ang petsang ito bilang pag-alala na rin sa mga tao sa likod ng Second International, kung saan ang kanilang determinasyong isulong ang karapatan at kagalingan ng mga manggagawa ng Haymarket sa Chicago Illonois, noong 1886, ay hindi lamang hinangaan, kundi naging inspirasyon din ng lahat ng manggagawa sa buong mundo.

Bagaman ito ay isang pandaigdigang pagdiriwang, hindi lahat ng bansa ay nagdiriwang, tulad na lamang ng mga konserbatibong bansa ng Kuwait o dito sa Saudi Arabia.

Sa kabilang banda, kahit na ang Amerika ang naging insperasyon upang mabuo ang May Day / Labor Day, itinalaga ng Mababang Kapulungan ng Amerika ang Mayo a-uno bilang Araw ng Katapatan (Loyalta Day) noong 1958.

'Yon lang... maraming salamat sa Google (tumulong sa paghahanap) at sa Wikipedia (para sa hindi matatawarang inpormasyon).

At sa mga manggagawa (paulit-ulit na 'to)...araw nyo 'to.

MALIGAYANG ARAW NG PAGGAWA!!!