Monday, 31 March 2008

ABAKADA

Sabi nga ni Lyzius sa kanyang entry kahapon na Palayaw Blues:

"Palayaw. Yan, jan mahilig ang sandamukal na pinoy sa pagbibigay ng palayaw sa mga tao o bagay sa paligid. Parang biniyayaan tayo ng powers na binyagan ang mga tao sa paligid natin."

Totoo 'yon, at hindi lang 'yon, maidagdag ko lang. Kung gaano nga siguro karami ang mga isla ng Pilipinas, ay ganoon rin karami ang mga salita o linguwaheng ginagamit sa bawat isla nito. Isa rin siguro kung hindi man nag-iisa ang mga Pinoy sa buong mundo, sa mga imbentor ng mga samu't-saring bagong salita. Bagong bokabularyo. Ito 'yong mga salitang naka-base pa rin sa orihinal na wikang Tagalog, subalit binigyan na palayaw ang mga salita.

1. G Lingo: Hindi ito ang "Gay Lingo", bago pa man mauso ang gay lingo ay ginagamit na ang uri ng salitang ito, kadalasan sa mga palengke ng mga nagtsi-tsismisang tendera. Ito ang pagsisingit ng titik "G" sa bawat silabol ng isang salita. Isa itong halimbawa ng "coded-tsimis-tool", kasi coded ang usapan, ang makakaintindi lang ng pinag-uusapan nyo ay ang may alam ng code, natural.

Halimbawa:

A S O = A GA S O GO

Digi baga, agastigig tagalaga agang magangagang Piginogoy!
Medyo may kahirapan syang isulat kesa salitain.

2. Gay Lingo: Eto na nga ang Gay Lingo. Gay lingo, kasi ito ang kadalasang salitang ginagamit ng mga bading - na sya ring imbentor ng salitang ito. Subalit ang paggamit ng salitang ito ay hindi lamang limitado sa mga bading, kasi sa kasalukuyan - bading, lalaki, babae, bata, matanda, may ipin o wala, ay gumagamit ng salitang ito. Naka-base sa wikang Tagalog / English / Bisaya at kung ano pang linguwahe, depende sa linguwaheng ginagamit ng pinagmulan ang Gay Lingo, meron nga lang itong sariling salita o katapat na salita sa bawat bagay.

Halimbawa:

Iyak / Cry - Crayola
Anything - Anik-anik
Sex - Churva (hindi ko lang alam kung paano ito nakuha)

3. Isama pa natin sa mga bagong bukabolaryong ito ang mga "TXT Lingo". Bago lang ito, kalimitang ginagamit sa paggawa ng text o SMS (short messaging system). Ang alam ko lang sa linguwaheng ito ay ang pag-aalis ng mga patinig (vowel) ng isang salita at ang matitira lang ay ang mga katinig (consonants) nito. Puwede ring lagyan ng numero ang isang pinaikling salita lalo na kung ito ay inuulit, subalit hindi sa lahat ng pagkakataon na may numero ang isang salita ito ay kailangang ulitin. Maaari rin kasi itong ang numerong isiningit sa salita ay katunog ng susunod na silabol.

Halimbawa:

Baba = B2
Late = L8
You = U
Why = Y

Sa mga halimbawa sa itaas, hindi ko lang alam kung ang lahat ay tama. Paki-tama nalang ako kung mali man.

Meron ding sariling salita ang mga magsusugal, magba-balot, mangingisda, lahat ng antas sa lipunan - may sariling pagkakakilanlan. Kahit mga tambay sa kanto ay may sarili ring salita, kahit na 'yong mga tambay sa chatrooms. Bawat oras ay may bagong salitang ipinapanganak.

Ikaw, anong bagong salita ang nadagdag sa bokabularyo mo?

No comments: