Tuesday, 18 March 2008

Fiesta sa amin

Bisperas ng fiesta sa amin ngayon. Si San Jose ang patron ng aming bayan – Bongabong Oriental Mindoro. March 19th ang feast day ng dakilang ama-amahan ni Kristo.

Kadalasan tuwing bago mag-fiesta, mga isang buwan pa ay abala na kami pagpa-praktis ng aming field demonstration sa central – kaya naman bago ang aktuwal na field demo, eh mga baluga na kami. Sa central kasi ginaganap ang lahat ng field demonstration sa aming bayan. Central ay nickname para sa Bongabong Central School. Noong elementary ako, lagi akong kasali sa field demo – hindi pala lagi, kasi noong grade one hindi ako nakasali, kasi naman dumedede pa ba ako noon, he he he. Pero tandang-tanda ko na noon ang kostyum kulay dilaw tapos may hawak na malaking dilaw na
abaniko.

Hindi naman sapilitan ang pagsali, pero kahit hindi man kasi sabihin ng mga guro na pilitan ang pagsali, eh ipagtutulakan at ipagtutulakan ka pa rin, plus meron kang extra grade. At nakalagay sa class card mo, doon sa part na nagko-koment ang mga guro, “Mabait na bata. Magaling sumayaw.”.. diba, partida ‘yon natatandaan ka ng teacher mo na magaling kang sumayaw kahit mahigit isang daang istudyante ang sumasayaw ng sabay-sabay field demo, at pare-parehas ng kostyum.

Iba ang sayaw ang mga estudyante mula grade one hanggang grade three. Iba rin ang sayaw ng mga grade four hanggang grade six. Ang sayaw ng grades one to three eh medyo, pambatang sayaw. ‘Yon bang sayaw na medyo pa-cute. At syempre ang kostyum pa-cute din. Andiyan ‘yong katsa na titinain, o kaya naman ay papel de hapon o krip payper. Ang isang mahirap sa papel de hapon o krip payper na ‘to eh kung puti ang suot mong damit tapos natural papawisan ka sa kakasayaw, eh di sigurado pagkatapos ng sayaw wasak na ‘yong krip payper na kostyum at de-kulay na rin ang puti mong damit.

Sa intermediate naman, eto ‘yong grades four to six, medyo hindi na pa-cute ang sayaw. Though meron paring mga pa-cute, pero hindi na pa-cute ang sayaw dito. Dito talaga kina-karir ko ang pagsayaw, lalo na kung pandanggo lang sa ilaw o kaya naman ay karinyosa lang ang sayaw, sigung-sigu na. Kasi kung bibo kang sumayaw ikaw ang gagawing “model” ng mahigit isang daang sasayaw sa field demo – so ikaw ang nasa unahan. At pag-model ka rin, mas magaganda ng piktsur mo, kasi malawak ang espasyo ng mga maniniyot para kunan ka ng larawan. Noong grade four model ata ako noon, pero noong grade five hindi kinaya.. kasi ba naman lambada ang sayaw. At kung lambada ang sayawan, makakalimutan ba naman si Praxi. Sya ang institusyon ng lambada sa Bongabong Central School.

Pagdating naman sa kostyum, medyo pangbinata at pangdalaga na rin ang kostyum. Konting krip payper nalang ang involve sa pangkalahatang kostyum – more on tininang supot ng arina o katsa na. O kaya naman ay ‘yong mga puruntong o abot-kayang shorts sa palengke na lalagyan nalang ng hinimay-himay na tali, o kaya bao, at kung ano-ano pa. Sa babae eh hindi pa rin maiwasan ang krip payper kasi kailangan para gumawa ng bulaklak, o kaya naman ay palda.

Bago nga pala mag-umpisa ang field demo, ay paparada muna kami sa buong bayan.

Bukod sa field demo, sigurado marami ring peryahan. May kolor geym, yong bang dice na iba’t-iba ang kulay ng bawat kanto. May pula, dilaw, orange, berde, atbp. Tatlong dice ‘yon, ilalagay sa itaas na bahagi ng kahon – ‘yong parang kahon ng mga takatak boys. Tapos bago ihulog ang mga dice dapat ay nakapili ka na ng kulay na tatayaan mo. At kung ang lumabas na kulay sa dice ay ang kulay na napili mo, syempre ‘yong piso mo magiging dalawang piso. Kung dalawang ulit lumabas ‘yong kulay na tinayaan mo, tatlong piso ‘yon. Meron ding roleta – may roletang maraming numbero na appliance showcase ang mapapanalunan at meron ring roletang one to twelve lang ang number pero dito pera-pera ang labanan. Meron ding beto-beto.

At pag-fiesta hinding-hindi mawawala ang palanyag. Eto ‘yong mga dayong mangangalakal galing sa ibang lugar, magtatayo sila ng maliliit na tent sa kalsada at magtitinda ng mga kakaibang paninda. Kasi nga galing sila ng ibang bayan so marami silang dalang mga panindang hindi kadalasang nabibili sa aming lokal na palengke. Lahat binibenta – babasagin o plastic na baso, pinggan, pitsel, arenola, kutsara, tinidor, mangkok, at kung ano-ano pang gamit sa bahay. Meron ding mga kumot, kulambo, unan, kurtina. Nagkalat din ang mga gumagawa ng mga kung ano-anong kuwintas na may pangalang nakasulat. Meron ding piratang cassette tape. Wala pa atang CD o DVD noon. At ang mga pirating cassette tape eh may sariling bersyon ang kanta – basta tumunog ok na. Pero kalimitan ay disposable ‘to, kasi unang play palang eh kinakain na agad ng cassette player mo ‘yong tape.

Syempre kung fiesta, mawawala ba naman ang Ms. Bongabong. Yuswali, ngayong gabi rarampa ang mga kandidata. Halos lahat ng barangay sa Bongabong eh may kalahok. Natural pagandahan at punong-puno ang dyim sa dami ng mga manonood at taga-suporta ng bawat kandidata. At lagi naman late na nag-uumpisa ang programa, kasi late rin ang mga judges at si mayor, so hinta-hintay. At natural kung late nag-umpisa, late na rin matatapos. At sa umaga ang fiesta, mga ala-una o alas-dos ay makukurunahan rin ang bagong tanghal na Ms. Bongabong. At sa umaga ‘yon din, mga alas-otso, ay ipaparada ang nanalong Ms. Bongabong sa buong bayan.

Pagkatapos ng misa, magbahay-bahay ka na. Maraming kasing handaan at kainan tuwing fiesta. Lahat ng bahay na pupuntahan mo, kahit konti ay merong handa. Meron ding inuman halos lahat ng kanto – at kung magkagayon, sigurado maraming ring lasheng.

Yan ang fiesta sa amin. Bukas, fiesta na naman.

1 comment:

Lori said...

Good reading