28th May 1989, 09 :30 :45
Aplaya
Masaya pa rin ang paligid. Lahat pa rin ay abala sa Katapusan. Tuwang-tuwa pa rin ang mga bata sa mga palaro. Ang mga nanay naman ay abala na sa pagluluto ng tanghalian. Ang amoy ng lutuin sa buong barangay ay tunay na nakakagutom.
Parang pista sa Aplaya.
28th May 1989, 11:00:49
Danggay
Ibinaba si Roberto ng dyip ilang metro lang ang layo sa bahay na kanyang sasadyain. Hindi naman mahirap hanapin ang bahay kasi tabing kalsada lang ito, bukod doon eh alam mo na may binyagan sa bahay na iyon dahil maraming tao ang paligid (karaniwang tanawin ito sa mga probinsya tuwing merong handaan, lahat ng kababaryo imbitado), lahat abala.
Pagdating ni Roberto sa bahay ay inasisti sya ng kanyang “kumpare”, kahit na kahalili lang sya ng pinsang si Oscar. Nasa simbahan na pala ang iba para sa binyagan, kaya dumiretso na rin ang dalawa sa simbahan.
28th May 1989, 11 :21:17
Kapilya sa Danggay
Nagsimula na nga ang binyagan. Nasa unahan na ang bibinyagan, karga ng kanyang ina, samantalang ang mga tumatayong ninong at ninang ay may tig-iisang kandila nakapaligid sa sanggol habang si Padre eh nagbabasbas.
Hindi pa naman huli si Roberto, sakto lang kumbaga. Kapansin-pansing bigatin ang pamilya ng binibinyagan. Halos mga kilalang personalidad sa bayan ang mga dumalo sa binyagan. Ganoon din ang mga ninang, kumbaga mga “donya” sa bayan ng Danggay. Ang mga Ninong naman “super-bigatin”, may mga politiko, sundalo at negosyante.
28th May 1989. 11:53:09
Danggay
Natapos na nga ang binyagan. Gaya ng inaasahan tambak ang pagkain at inumin sa bahay. Puno rin ng taong kakain syempre – mga ninong at ninang, mga inimbitahan, meron ding mga hindi naman naimbita pero naroon rin (alam mo naman sa probinsya, kung kababaryo lang rin lang, hindi na rin kailangan ng pormal na imbitasyon, masabihan lang ok na). Engrande talaga ang handaan – maraming pagkain, maraming inumin.
Nang makakain na ang lahat, ang mga kababaihan at ilang mga bisita ay nagpaalam na rin sa punong-abala, samantalang sa likod ng bahay ay merong sariling mundo ang mga kalalakihan. Mawawala ba naman ang barekan, syempre hindi – todo barek ang magkukumpare.
Bumaha rin ng inumin, merong tuba, may lambanog, meron din syempreng lapad at longneck, at case-case na San Miguel Beer na panghugas.
Si Roberto nakiinum na rin. Magaling kasing makisama si Roberto, kaya naman halos lahat ata ng lamesa eh kasali sya sa inuman. Ganoonpaman, sa lamesa ng mga “kaibigan” nyang pulis sya nagbabad. Naki-tagay, naki-barek.
28th May 1989, 12:00:00
Aplaya
Tanghaliaan na. Mangilan-ngilan na lang ang tao sa labas ng bahay. Kainan na kasi. Lahat nasa loob na ng bahay para sa tanghalian.
Sa bahay ni Roberto, ganadong-ganado ang kanyang tatlong anak na lalaki at ang kanyang nagdadalang-taong maybahay sa iniwanang nyang tulingang puti. Inihaw nya ang kalahati, samantalang sinigang naman ng kanyang maybahay ang kalahati.
Masarap ang kainan. Ganado.
Busog ang lahat.
28th May 1989, 15:16:18
Danggay
Medyo lasing na ang mga tumador. Ang iba maingay na. ‘Yong iba naman eh tulog na. Ang iba, medyo nagpapahulas pa, pero tumatagay pa rin.
Sa lamesa ni Roberto, mukhang tapos na ang inuman. Dalawang sundalo na lang ang patuloy pa ring nakikipagbuno sa isang bote ng lapad, ‘yong iba eh nagpapayabangan nalang sa isang tabi. Normal na ata ang payabangan ng mga lasing tuwing nalalasing.
Si Roberto naman eh nagpapahulas na, nasa loob ng nakaparadang dyip, tulog.
Di kalayuan sa dyip, may nagpapayabang rin – dalawang pulis. Parehas na di magpatalo. Parehas mayabang. Parehas “may ibubuga” raw.
Naka-uniporme.
Sa kanilang mga bewang, naka-sabit ang kanilang mga baril.
Naghihintay bunutin.
Naghihintay na makalabit.
28th May 1989, 16:08:52
Aplaya
Tapos na ang siesta. Balik na ulit sa kasiyahan ang mga tao. Nag-uumpisa na namang mapuno ang kalsada. Nag-uumpisa na namang utunog at mag-ingay ang musiko, samantalang sa mikropono naman ay panay ang tawag at imbita ng anak ang hermana-mayor sa mga taga-Aplaya na makilahok at makisiya sa “Tapusan”.
28th May 1989, 16:10:03
Danggay
Medyo nagkakainitan na ang dalawang nagtatalong pulis. Pawang ayaw magpatalo. Maging ang mga tao sa paligid nila ay sa kanilang dalawa na nakatingin, para bang nag-aabang sa mga susunod na mangyayari.
Nagkakataasan na rin nga boses ang dalawang pulis. ‘Yong isa medyo malakas talaga ang boses, pero ‘yong isa, dahil ayaw ngang magpatalo, eh halos sumigaw na wag lang matalo sa kanilang payabangan.
Dala na rin marahil sa tama ng alak kaya naman parehas malakas ang loob.
Wala talagang magpatalo.
Sa loob ng dyip, medyo naaalimpungatan na rin si Roberto, maingay na nga kasi sa labas, pero hindi pa rin bumangon, pikit pa rin ang mga mata, hihirit pa.
Sa kalagitnaan ng pagtatalo, biglang binunot ni Pulis 1 ang kanyang baril.
Hhhhhhaaaaa….. !!!! halos sabay-sabay na sambit ng mga taong nakapaligid sa kanila.
Ang iba namangha, ang iba naman ay natakot sa maaaring mangyari.
Ikinasa, sabay tutok kay Pulis 2.
Ang iba eh medyo lumayo sa lugar, ‘yong iba naman ay nakiusap sa pulis na may hawak ng baril na ibaba ito ay pag-usapan na lang ang hindi pagkakaunawaan.
Samantala ang si Pulis 2 eh parang walang takot na binubuska pa si Pulis 1.
Medyo nagkakaroon na ng tensyon.
Sa loob ng dyip, nagising na si Roberto. Maingay na kasi. Paglabas ng dyip, ay naabutan nya ng eksena ng nagtatalong pulis at tutukan ng baril.
Parehas na nagkakainitan na ang dalawang pulis. Kapwa nanggigigil.
Si Roberto, mamungat-mungat pa at bagong gising, agad na tinimbang ang sitwasyon. Inayos ang sarili, at lumapit sa dalawang nagtatalong pulis.
Lumapit si Roberto sa dalawa at nakiusap na “pag-usapan” nalang nila sa maayos na usapan kung anuman ang hindi nila pagkakaunawaan. Hindi pag-usapan na may mga baril na nakaumang.
Mukhang ayaw paawat ang dalawa. Lalong umigting ang tensyon.
Nakalingat ang si Pulis 1, agad na sinunggaban ni Pulis 2 ang hawak nitong baril.
Nabigla ang lahat. Tumakbo na ang iba.
Naiwan si Roberto sa gitna ng nagpapambunong mga pulis.
Pinilit kalmahin ni Roberto ang dalawa, pinilit awatin, pumagitna at umasang kakalas ang dalawa.
Pero hindi. Matapang talaga ang dalawa. Ayaw paawat.
Hanggang sa….
28th May 1989, 16:15:09
Danggay
Bang!!!
Bang!!!
Ugh…. Bulagta!
Eeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeee!
Dalawang umaatungal na putok ang bumasag sa payapang kainan at inuman. Lahat ay nagulat. Nag-umpisa nang magkagulo ang mga tao sa paligid. Panay ang tilian ang mga babae, ang mga bata ay palakat na sa takot. Maging ang mga usyosero at tsismosa ng barangay ay sakbibi na rin ng takot. Kanya-kanyang takbo. Kanya-kanyang hanap ng lugar na mapagtataguan.
Parang wala lang na tumalilis papalayo ang taong may hawak ng baril.
Tahimik na ang paligid. Lumubog na ang araw.
Sa gitna ng sagingan, ang lalakeng nakabulagta, nakataob, hindi kumikibo, duguan - naiwang wala nang buhay.
Sapol si Roberto. Sa dibdib ang tama.
Pagbasak, hindi na nakapagsalita pa, ni hindi na nakapagpaalam – binawian na ng buhay.
Ilang minuto pa ang nakalipas, nag-umpisa nang magbalikan ang mga tao sa lugar. Pare-parehas tikom ang bibig at nakatitig sa duguang bangkay ni Roberto.
Wala na ang mga pulis.
Walang tumawag ng pulis.
Patay na si Roberto...
Ulila na sa ama ang mangyan...
2 comments:
marvs, ngayon ko lang nalaman ang kwento ng pagkamatay ni mamang bong... mga bata pa tayo that time. alam mo nung si tatay mamatay ganyan din ang nangyari, pabalik balik at panay ang halik kay nanay. eh di ba nasa bulalayo tayo nung time na yun. premunisyon na siguro yung ganun...
tol, it must have been painful for you to relive this events. Pero sumagi tyak yan sa isip mo kasi it has a purpose. maybe now is the right time for healing what was wounded that day, or even maybe this is the hour for you to realize how this event has made you to be the man that you are now. Your dad must have been very proud.
teka't unsolicited ang comments na ito. sensya na. God bless.
Post a Comment