Sunday, 12 April 2015

Parating Na Sya...



Madilim at malamig ang paligid.

Sa wari ko ay patay na ang ilaw.

Ilang saglit pa ay lumiwanag ang paligid at natagpuan ko ang aking sarili sa isang pagtitipon. Isang kasiyahan.

Hindi ko alam kong ano ang meron, basta may kasiyahan. Parang fiesta laang ang pakiramdam.
May ipinag-diriwang na kung ano. Nandun ang mga ilang meyembro ng pamilya.

Andoon si Tita Ne.
Andoon din si Tita Dorie.
Kapwa sila abalang-abala….basta abala sila (hindi ko laang alam ang kanilang pinagkaka-abalahan).

At akalain mo ay andun din si Laryn at palakad-lakad laang at nakikipagbungisngisan kay Ate Emedy…sa ganong eksena ay napagtanto ko na nasa Aplaya pala kami…doon sa Aplaya Uno...dekada otsenta.

Syempre naging pamilyar sa akin ang lugar. Ang puno ng chesa malapit sa kina Tita Cely. Ang puno ng kaimito doon kina Greg.

Masaya ang lahat, nagdiriwang – sa kasiyahang hindi ko naman alam kung ano.

Subalit ako eh aligagang-aliga. Balisa ang pakiramdam. At sa pagkakataong ‘yon eh noon ko laang napagtanto na ako pala ay nakasakay sa bisikleta. Paikot-ikot sakay ang bisikleta.

Sa ganoong punto ay lumiwanag sa aking isipan na kasama nina nanay ang aking asawa at sa tuwing may masasalubong ako ay eto ang aking bati, “Kailangan ko nang umalis, manganganak na si misis.

Ewan ko naman ba kung bakit hindi na ako umalis.

Matapos siguro ang mahabang paliwanagan at batian…ay naka-alis na rin ako at natagpuan ko ang aking sariling pumapadyak sa dalampasigan papunta sa…. Saan nga ga ako papunta? Hindi ako sigurado kung sa bahay o sa ospital nanganak ang asawa ko, basata ang alam ko laang eh kailangan kong makarating doon. At mahirap pala talaga mag-bisikleta sa tabing dagat.

Padyak… padyak… padyak…

Ting!

Oi may nag-text!

May iMessage ako galing kay Remuel. May kasamang picture. Dalawang sanggol ang nasa larawan!

Natuwa naman ako. Shocks! Kambal??!!!
Image by Shutterstock

Subalit sa mensahe ni Remuel kalakip ang larawan, “Naloko ako dun ah…akala ko dalawa……

Pero dalawa talaga ‘yong sanggol sa larawan. Sa text ni Remuel parang gusto nya sabihin na reflection ng ibang baby 'yong isang baby nasa picture….parang anino na 3D.

Ganunpaman…parang huminto ang mundo. Sobrang saya ko…at naiiyak ako. ‘Yong iyak na masaya. ‘Yong iyak ko noong July 15, 2011.

No comments: