Sunday, 23 March 2008

Bulag, Pipi, at Bingi

Ang blogger na muntik nang mawalan ng trabaho: Ako 'yon.

Gaya nga ng nailahad ko sa aking entri na Paalam Karatula, muntik na akong mawalan ng trabaho ng dahil sa pagpuna sa mali (tingnan nyo ang entri na Whattanem).

Matapos nga akong maipatawag sa HR namin noong Huwebes Santo, at nasabon ng katakot-takot, hindi ko pa rin ipinalagay ang aking loob na ayos na ang lahat. Kahit kinamayan na ako ni amo, pero hindi nya ako binabati o tinatawagan man lang - na dati na naman nyang ginagawa bago pa mangyari ang "blogcident" na 'to.

At dumating nga ang Sabado de Gloria, pero mas gusto kong gamitin ang Black Saturday, kasi nga para akong nasa dilim ng araw na iyon. Hindi ko pa rin sigurado kung makakatanggap ako ng Termination Letter. Salamat naman sa Dakilang Manlilikha, natapos ang buong araw ng Sabado ng wala naman akong natanggap. Pero ang medyo nakakainis ay under surbeylans ang aking intranet connection. Kahit na ang aking mga sulat - papalabas o papasok man ay sinasala, kung minsan nga ay binablak na. Kaya nagpupumilit akong isulat ang lahat sa aking sariling wika - sa wikang Tagalog.

Ganoonpaman, sabi nga kung gusto ay may paraan at kung ayaw ay maraming dahilan. Eh gusto, kaya nakakuha ako ng salaan-free na koneksyon sa pamamagitan ng aking telepono - 'yon nga lang ako ang nagbabayad ang koneksyon. Kaya nga kahapon ay nakapag-kwento pa ako, kahit na pasilip-silip lang sa bintana at patipa-tipa ng konti natapos ko rin ang Aparisyon sa Dyeda.

Update (hindi ko alam sa Tagalog ito) lang: Balik na ulit sa normal ang lahat ngayong umaga. Matino na ulit ang koneksyon ko, at wala na ring salaan. Ang mga sulat ko ay nakararating na sa kanilang paroroonan, ganoon din ang mga sulat para sa akin ay natatanggap ko na rin. Binati na rin ako ni amo ngayong umaga, kahit na ang balita ko ay masama ang kanyang pakiramdam.

Haaayyy.. sabi nga lahat ay may bayad. Pati pala ang pagpuna mo sa isang kamalian upang ito ay maituwid ay may bayad rin. Sa aking kaso hindi naman kamahalan. Pero kung iisipin mo, kung ang ginagawa mo na nga ay para sa ikabubuti ng lahat, tapos magbabayad ka pa, hindi nakakapagtaka na konti lang ang kayang magbayad. Marami ang nananatiling bulag at pipi at bingi na lang sa mga nangyayari sa kanilang paligid....

Ikaw, handa ka bang magbayad?

O mas gusto mo pang maging bulag. Maging pipi. Maging bingi.

No comments: