Showing posts with label Kwentong Mangyan. Show all posts
Showing posts with label Kwentong Mangyan. Show all posts

Saturday, 6 September 2014

Ang Mahabang Byahe (all star cast)

Saturday nun, tambay kami kina Yeh, birthday ata ni Tita Elvie. After that syempre uwian na. Aligaga na ako sa pag-uwi, naghihintay sa bahay ang misis ko. Hindi siguro sa Mindoro 'yong tambayan kasi kailangan ko pang byumahe pauwi ng Bongabong. Pero malamang eh hindi rin eto sa Maynila, dahil hindi ko matandaang sumakay ako ng barko.

I'm traveling on a bus. Puno ang bus. May mag-ina sa liguran ko, at nakamanuso sa puting lampin ang kanyang sanggol.

Lumampas na kami ng Tiguisan, kasi lumampas na kami sa bahay nila Dumay.

Pag lampas namin ng Tiguisan eh biglang nag-pull-over sa kaliwa 'yong bus. At bumaba na 'yong driver. Kaming mga pasahero parang ok laang sa mga nangyari, parang hindi nagmamadaling umuwi, parang tanggap namin ang pag-baba ng driver.

Isang pasahero ang nagyaya sa'kin na samahan namin ‘yong driver. Maglalamay pala 'yong driver sa isang kamag-anak sa lugar na 'yon kaya huminto ‘yong bus doon.

Time check: Siguro malapit na mag-gabi noon or takipsilim na.

Pagdating namin sa lamay, ako, 'yong isang pasahero at ung anak nya at syempre ung driver.

Isang guro ang pinaglalamayan. Namatay raw sa aksidente. Malungkot 'yong lamay (as if may masayang lamay), kasi parang kami laang ang naglalamay plus ung 3 pa nilang kamag-anak na dinatnan namin doon.


Photo grabbed online
May instance na may inabot ako sa kabila na kailangan kong mag-crossover sa ibabaw ng ataul. At dahil sa hindi naman ako talaga ako fan ng silip-kabaong eh pinilit kung iwasan tingnan ang namatay na guro sa loob ng ataul. Pero hindi talaga maiwasan, but at least to my relief eh hindi ko nakita ung mukha nya. Suot nya ung suot na berdeng pang-ibabang saya ni Sen. NancyBinay no'ng huling SONA.
 
Sa kwentuhan sa lamay eh dalaga pa ang guro, bordering na pagiging matandang dalaga. Mabait daw at responsable ang guro. Namatay ang guro dahil sa aksidente. Nahulog sya mula sa isang mula sa silyang tinuntungan nya habang inaayos ang pundidong bumbilya ng silid aralan.

Doon na rin kami nag-hapunan sa lamay. May isang mahabang dulang at doon ay sama-sama kaming dumulog.

Matapos ang hapunan at nag-paalam na kami at 'yong driver namin kasi nga ba-byahe pa kami.

Pagbalik namin sa bus, 'yong ibang pasahero na naiwan eh nag-camping na laang sa paligid ng bus. Feeling ko matagal kami sa lamay kasi parang matagal na rin sila nag-camping kasi makalat ‘yong paligid at parang camping ng boyscout ang pakiramdam at maraming nagkalat na papel sa paligid parang Central School laang tuwing panahon ng eleksyon.

 Nang makita ang driver eh muli ay nagsakayan na ang mga pasahero. Syempre lahat eh gusto na umuwi. Naghihintay pa rin sa bahay ang misis ko.

So byahe na ulit, going south.

Sa loob ng bus eh aligaga ang mga pasahero. Alam kasi namin na may bagyo. At bali-balita na malakas ang bagyong ito. During those times eh delikado ang mag-byahe pauwi sa Bongabong ng naka-bus.

Sa lakas ng ulan nag-a-ampiyas sa loob ng bus, pero tuloy pa rin ang byahe. Kaming mga pasahero sa loob eh kanya kanya nang hanap ng silupin para ibalot ang mahahalagang bagay at para hindi mabasa ng ulan, ako ibinalot ko ang telepono ko, 'yong isang ina sa aking likuran ang kanyang sanggol.

Sa byahe ng panahon na 'yon isa sa mga kinatatakutan ay ang pagtawid ng bus sa tulay kung may bagyo.

At eto na nga ang unang tulay na tatawirin ng aming bus from Tiguisan.

Kinakabahan ang lahat. Ramdam na ramdam ang takot at pangamba sa mukha ng mga pasahero. Ang sabi ng driver, "O, eto na 'to!"

Sa lakas ng hangin eh talaga namang dumadag-is ang aming bus makatawid laang. Malakas ang hangin. At lahat ay may pag-aalala at takot sa mukha.

Tumatawid na ang bus namin.

1 metro - kaya pa.
5 metro - kaya pa, pero nasa gitna na kami from far right lane ng tulay.
1 metro bago makatawid ng tulay, nasa kaliwang bahagi na ng tulay ang bus namin. Parang hanging bridge ang tulay (pede ba dumaan ang bus sa hanging bridge?).
Sa awa ng Diyos naka-tawid naman kami.

Lahat at nakahinga.
Pero hindi pa tapos ang kaba.
At nag-aabang na naman sa hindi kalayuan ang isa pang tulay.


Photo Credit: Mr. Vishal-raj
Eto na ang sumunod na tulay.

Naka-pasok na ng ilang metro ang nguso ng bus.
Huminto na.
Hindi na maka-takbo pa.
Putol ang tulay.

Kaya baba ang lahat ng mga pasahero.

Sa dulo ng putol na tulay eh mahigit 5 metro pa ang dapat tawirin. May kalaliman ang dapat tawirin. Mabato, animo'y ilog na natuyuan ng tubig. Sa kanan ay nagdawag ang matataas na luntiang kawayan. Makapal. Parang wallpaper na nga sa dakong iyon.

Ang alam ko habang nasa bus kami bago makarating sa tulay na'to eh ibinalot ko na rin ang aking telepono sa silopen para hindi mabasa, pero sa mga susunod na tagpo nang mala-tele-serye kaganapang ito eh naging kagamit-gamit eto. Bigla ko naisipang kunan ng larawan ang pangalan ng tulay, hindi pa 'man tapos eh may pangalan na.

Biglang naisipan ng driver ng bus na saliksikin kung ano ang meron sa kawayanan. Habang papunta sya sa kawayanan eh dagli'y naging malinaw sa amin na ang lugar na 'yon ay lugar ng mga rebelde na hindi malinaw kung ano ang ipinaglalaban. Basta nakakatakot na mga rebelde. Handang kumatay ng tao.

Maya-maya (hindi ito isda) pa'y sabay-sabay kaming napalingong nanlalaki ang mga mata at bahagyang naka-buka ang mga bibig sa gawi ng kawayanan. May narinig kaming kaluskos. At positive kami, sa driver 'yon. Hindi nga kami nagkamali - sa loob ng kawayanan at sumigaw sya,
 
 "TUMAKBO NA KAYO!".
 
At sa mga sandaling 'yon eh positive kami na kinakatay na sya ng mga rebelde.

Take note, at ang lahat ng mga ito ay nangyayari nang naka-record sa telepono ko (wait nyo laang ‘yong nakunan ng phone sa huling bahagi).

Syempre "TAKBO" daw, kaya nagpulasan kami. 'Yong iba eh nag-suot sa ilalim ng tulay, ang iba eh doon sa kawayanan nag-punta, habang ako na very flexible at talagang pang-long jump / high jump ang talon eh bibong-bibong sa kaliwa nagpunta.

Lundag-takbo ang ginawa ko. Parang wheat field 'yong tinatakbuhan ko. Sa tuwing lumulundag ako eh natatanaw ko ang mga rebelde. May mga cranes, may construction at abalang-abala ang mga rebelde. Kinakabahan ako pero lundag at takbo ako. Pramis, malutang ako that day.

Tumigil laang ako sa aking pag-takbo at pag-talon ng nasa Bongabong na ako.

Linggo nga pala, may simba eh.

Habang dumadaan ako sa tapat ng Saint Joseph Parish eh nakita ko 'yong nanay at tatay ni Didoy, holding hands at magsisimba. Ang nakikitang kong naglalakad papuntang simbahan eh si Didoy at si Bless, pero kumbinsido ako na mga magulang nila ‘yon.

Pag-lampas kina Tria, doon sa kanto nina Enriquez eh nakasalubong ko si tita Guy at si Daddy Doc, akay-akay si Yaj at sisimba rin. Syempre bumati ko sina tita Guy at Daddy Doc, at nakipag-laro sa'kin si Jye. Sabi ni Tita Guy, "buti sumasama sa'yo si Jye, samantalang kay Robi hindi"... On cue, biglang nasa likod ko si Robi.

Sa mga sandaling ‘yon ay na-realized ko na nananaginip laang ako. Pero hanap ko agad ang telepono ko, malay mo may recording talaga.

Home
Touch ID
Photos
Vidoes – Walang laman
Recently Added – wala talaga.

Sunday, 3 June 2012

Si PJ, Si Cabi & the Wardrobe


Medyo matagal-tagal na rin akong hindi nakapamalantsa ng isang bultuhan. Lagi na laang kung ano ang isusuot eh ‘yon ang pa-plantsahin, “on the spot” kumbaga.

Matapos ang ilang mahabang oras ng paghagod ng mainit na labi ng plantsa sa likod ng kabayo, eh namahinga ang platsador at lumagok ng isang bote ng laban.

Habang namamahinga, nakasulyap na sankaterbang plantsahin, sa platsa, sa kabayo, at maging sa damit ng kabayo…doon ko na laang ulit napagmuni-muni na napakaraming alaala at panahon na pala ang pinasamahan namin. Bawat isa may kwento, may kasaysayan, nangungusap.

Part One: Ang Plantsa

Nang dumating ako dito sa Gitnang Silangan, may dala laang akong limang polo (tatlo doon ay mahaba ang manggas, at dalawang maiksi), dalawang pantalon, ilang pares ng panloob, syempre medyas, at ilang pambahay. Sabi ko noon, dito na laang ako mamimili. At dahil nga dala ko naman galing Pilipinas, e’di lahat naman ay plantsado na at mahimbing ang pagkakatupi sa aking bag (Php 249.99 ang bili ko sa SM Centrepoint – as if susukliaan ka talaga at ibabalik and isang sentimo), at nang matapos nga ang unang isang linggo ko, ubos na ang plantsadong damit.

Huwebes ng Gabi: Ang unang laba ko sa Saudi
Biyernes ng Patanghali: Natuyo ang mga labada.
Biyernes Makapananghalian: Kelangan ng mamlantsa.

Wala akong plantsa.

Mabuti na laang at ang aking butihing ina ay maraming kaibigan sa aming compound. At doon ko nga sya nakilala. Saktong dating. Katugunan sa napapanahong pangangailangan.

Si PJ.

At saan naman nanggaling si PJ? Galing sya kay Joan. Si Joan ay kaibigan ng nanay ko at kaututang dila ni Manay Abeng. At sino naman si Manay Abeng?

Oooppss… bago ang Acquaintance Day, kay Joan muna tayo.

Si Joan ay isa sa mga maintenance staff dito sa compound. At dahil nga sa bago pa laang ako noon, at ang naririnig ko laang ay basta “Joan”… ay sinabi mo pa, parehas siguro tayo ng iniisip, si Joan ay isang lalake. Siguro nasanay laang ako na ang Joan ay pangalan ng babae, at naisip ko rin na wala naman pala talagang batas na umiiral na nagsasabing “Joan is Strictly For Female Only”… pero nung nagkita na kami, na-wow-mali ako, lalaki pala si Joan. At dahil noong mga panahong iyon, eh parang cool na cool ‘yong merong asawa sa Pinas, at may “kasintahan” sa Saudi, may nakapagbulong s’kin na “nakiki-uso” rin pala si Joan, pero sa unang tingin naman eh ‘di naman sya mukhang mahilig maki-uso. At isa pa, ‘di rin naman malinaw kung pamilyado na si Joan sa Pilipinas.

Pangalawa sya sa limang magkakapatid, mula sa lalawigan ng Zambonga. Hindi naman masasabing naghihikahos sa pamumuhay, at di rin naman pumapalya sa pagkain ng tatlong beses sa isang araw ang kanilang pamilya – sakto laang. Sya ang mag-isang nagtataguyod sa kanyang tatlong kapatid, sa kanyang ina at sa may karamdamang ama. (bakit laging ganun ang istorya, laging kailangang merong may sakit??) Eh nasaan si Ate?? Hhmm… medyo pinasabaw ko na laang ‘tong mga susunod na talata para naman masarap basahin – “ dahil raw sa kahirapan” ay maagang nagkapag-asawa si Ate. Maagang lumandi..este maagang umibig, maagang tumibok ang puso…ano PBB Teen??? At dahil may sariling pamilya na, naibigay kay Joan ang setro bilang tagapagtaguyod ng pamilya… pasimple, tumakas si ate.

Mahigit tatlo o apat na Biyernes ko rin laang nakita si Joan sa kampo. At minsan sa isa sa mga Biyernes na ‘yon eh nakapunta rin ako sa bahay nila sa gilid laang ng kampo, sa ilalim ng puno ng nagdudumalagang balete (at pramis ‘di tulad sa Pilipinas na nakakatakot at lodging house ng mga enkanto o kapre ang puno ng balete, dito sa Saudi ‘di sya nakakatakot, at mukhang domesticated na halaman). At doon ko rin nakadaupang palad ang kanyang ina.

Ha? Nasa Saudi rin nanay ni Joan?

Hindi pala ina, kasintahan pala…o sa mas marahas na pag-turing eh, Si Manang ang kinakasama ni Joan. Magaling magluto si Manang, magaling gumawa ng puto, at ang niyog ha, hindi Makati powdered coconut milk, as in kinakayod talaga from the bao! At ang malagkit ng sinokmani galing pa nang Pinas! Sa ilang oras ng pamamalagi ko sa kanilang munting pugad-ng-bawal-na-pagmamahalan (at talagang hinusgahan ko agad sila, bawal na pagmamahalan (para kay Manang) at bawal na bisyo (para kay Joan)) eh masasabi kong mawiwili nga naman talaga at mahuhumaling itong si Joan kay Manang, dahil, una, maasikaso si Manang, ang iced tea eh bottomless, asikaso kung asikaso; pangalawa, maayos sa katawan si Manang, as in lumi-level kay Mommy D, pero ang status eh lumi-level kay Mia – “kung makati, kamutin”…magaling “kumamot” ng makati si Manang.

‘Yon na rin ang huling kita ko kay Joan. Matapos ‘yon ay wala na akong naging balita kung nasaan na sya. Maging kay Manang wala na ring balita. Basta bigla na laang silang nawala sa sirkulasyon. Parang napadaan laang. Dumaan laang, nag-iwan ng alaala, nag-iwan ng kwento….nag-iwan ng Plantsa.

At balik sa plantsa. Sa ilang taong pagsasama namin ng plantsang ‘to eh isang beses pa laang itong nasisira.

Biyernes: simple laang ang naging sira, nagliyab ang hawakan malapit sa kordon! Kaya gaya ng inaasahan, sa pagliyab ng hawakan, natural nagliyab rin ang aking kamay, na madali naman naapula.

Dahil sa galit at sa sakit na naramdaman ko ng mga oras na ‘yon, naitapon ko ang plantsa…sa basurahan. Sabi ko bili na laang ako ng bago (may pambili na eh).

Sabado ng hapon: Nagbalik ang plantsa! Napulot pala ni Mang Edd of Room No. 30. Eh makulikot rin si Mang Edd, kaya ayon kinalikot, inayos, pinutol ang kordon na sunog, at woollaah!! Plantsa na ulit!

Akala ko ‘yon na ang huling Biyernes na kasama ko ang Plantsa ni Joan…di pala, ilang taon na ang nakalipas matapos ang pangyayaring ‘yon, plantsa pa rin. Si PJ pa rin ang plantsang mainit na humahagod as likod ni Cabi… ang Kabayo.

(Part Two: Ang Kabayo)

Itutuloy….

Thursday, 21 August 2008

Ahas

Takot ka ba sa ahas?

Bakit ka takot?

Ako? Oo takot ako sa ahas.

Literally. Figuratively.

Di ko lang alam kung bakit ako takot. Basta ang alam ko lang, eh takot ako. Kasi nga ‘yong hitsura pa lang eh weird na. At di gaya ng ibang hayop na kung hahawakan mo eh mainit, ang ahas malamig – diba nakakatakot.

 

Di lang ‘yon, though sabi ni Ma’am Magsino, teacher ko sa Biology, na ginatungan pa ni Kuya Kim, na taliwas sa likas na kaisipan ng tao sa mga ahas na ‘to, eh hindi lahat eh makamandag. Ganon??!!

Oo, raw. Meron din daw mga ahas na wala namang kamandag, kumbaga eh panakot lang. Pero sa pangkalahatan, lahat sila eh makamandag at nakakatakot.

Buti ba sana kung tutuklawin ka lang, eh lilingkisin ka pa…

Kaya nakakatakot.

Tuso nga raw ang ahas. Aba akalain mo bang pati ba naman si Eba’t Adan eh patusin.

Figuratively, hindi rin maganda ang parating ng ahas. Offensive ngang tawagin mong ahas ang isang tao. Basta iba ang dating. Pangit sa pandinig. Naka-ugat na kasi sa pangalang “AHAS” ang pagiging tuso at mapanlinlang – hindi mapagkakatiwalaan.

Diba nga malimit nating marinig ang mga linyang “AHAS ka!” sa mga pagkakataong nakakaroon ng sulutan.

Medyo masalimoot ang mga ganyang sitwasyon, parang nakaka-stress pag-usapan. Di pa ako handa pag-usapan ang “AHASAN”, siguro sa mga susunod na panahon na lang. Instead of taking it figurative, eh let’s talk “AHAS” literally nalang, oki.

Pero, sa takot man tao o hindi sa mga “AHAS” na ‘to, eh hindi puwedeng mawala sila. Lagi lang silang nandyan. Kahalubilo ng mga taong takot sa ahas. Naka-abang ng matutuklaw, ng malilingkis.

Naalala ko lang noong minsan, ‘yong katulong a.k.a. kasambahay noong kapitbahay namin eh nagsisigaw. E’di lahat naglabasan. Basta bigla na lang nagkagulo. Syempre, dahil likas ang pagiging “curious” ko (fancy way of saying na tsismoso ako.. he he he) sa mga bagay-bagay sa paligid, eh naki-tingin na rin ako.

Noong una kaya pala nag-iingay si Inday kasi hindi gumagana ‘yong washing machine nila, eh tambak pa namana ang labahin, siguradong masasabon ni misis kung hindi matatapos. Kasi nga desperado si Inday na matapos ang kanyang labahin sa araw na ‘yon kaya naman nagsiyasat sya kung bakit hindi gumagana ang washahing machine, samantalang maayos naman ito noong huli nyang laba. Nang hindi malaman ang gagawin, tinawagan si Kaloy.

Inday: Hiloow? Luy, musta man?

Kaloy: Oki lang, gi mingaw ka na ko?

Inday: Ay dili man uy! (pero kinikilig ha). Iniwi,  Tabangi ko nga maayo akong washing machine.

Kaloy: Oki. Munganha ko, basta mag-andam ka og merienda ha.

Inday: Uu ba.

Side bar: Though wala pang matibay na ibidins, bali-balita na rin pala sa buong Duhat Street ang namumuong pag-iibigan sa pagitan ni Inday at Kaloy.

Padating ni Kaloy sa bahay, medyo nagkatitigan pa sila ni Inday, tas tiningnan na kung ako ang sira ng washing machine.

Tingin dito, tingin doon.

Kaloy: Ay sus ‘Day! Kay naay kobra sa sulud!!!

Inday : Eeeeeeeee !!!!

Doon na nagkagulo ang mga naki-usyoso. Medyo nabulabog ang buong Duhat Street. Meron palang sawa sa ilalim ng washing machine ni Inday. As in malaking sawa, kaya pala hindi gumana ang washing machine.

Dumating ang Barangay at kinuha ang sawa, di ko lang alam kung saan ito dinala pagkatapos, basta ang alam ko lang noong araw na iyon e nakumpirma ng buong Duhat Street ang matamis na pagtitinginan at ang pag-iibigang namamagitan kina Inday at Kaloy.

Sa awa naman ni Bathala eh wala namang natuklaw o nalingkis ang sawang ito.

Balik memory lanes ulit, tungkol sa mga nalingkis at “nilulun” ng sawa.

Ilang taon na rin ang nakararaan, andito na rin ata ako noon sa Saudi. Basta nabalita lang ‘yon sa TV Patrol, then na-i-feature pa ito ni Kabayan sa Magandang Gabi Bayan.

Sa isang tribo ng Mangyan sa Mindoro isang mangyan ang bigla nalang nawala. Syempre nawawala, natural hahanapin. Noong una eh hindi pa gasinong nag-aalala ang pamilya ng nawawalang mangyan, kasi nga naman baka nga bumaba lang sa kapatagan.

Subalit ilang araw na ang nakalipas eh wala pa ring mangyan na nagbabalik, at doon ay nag-alala na ang kanyang pamilya. Kaya naman ang buong tribo ang naging abala sa paghahanap ng nawawalang ka-tribo.

Hanggan sa dako pa roon, eh isang malaking sawa ang kanilang nakita. Busog na busog ito at dahil sa labis na kabusugan eh dahan-dahan lang ang kanyang pag-gapang. Bundat na bundat ang tiyan nito, para bang lumunok ng isang malaking bagay. Hindi na sana nila papansinin ang sawa, ngunit ang bundat na tiyan nito ang nakatawag ng atensyon sa kanila. Mukhang tao ang nasa loob ng tiyan ng sawa.

Kaya naman hindi na nag-atubili ang buong tribo at kanilang pinatay ang sawa at biniyak ang tiyan nito.

At doon nagimbal sila sa kanilang namalas. Ang nawawalang mangyan ay nakita na. Patay sa loob ng tiyan ng ahas!

Ilang buwan rin naging usap-usapan ang kwentong ito, hindi lang sa kabundukan at mga karatig tribo, kundi pati na rin sa kapatagan, eh nakarating nga kay Kabayan eh.

‘Yon ang mga nakakatakot na kwentong ahas…pero meron rin namang mga nakaka-addict na ahas.

‘Kaw ba nilalaro mo ba ahas mo?

Objection! Leading!

Oki, re-phrase ko tanong ko.

Naglalaro ka ba ng AHAS?

Ako naging addict rin ako sa paglalaro ng ahas. ‘Yon bang Snake sa mga Nokia mobile phones. Aminin mo na, naging addict ka rin. he he he

Naalala ko ulit, noong bago palang sa balana ang mga mobile phones. Malakas sa mercado noon ang Nokia at bukod sa “ASTIG KA” kung Nokia ang mobile mo, eh isa rin sa mga bentahe ng Nokia eh ‘yong Snake. Tsaka ewan ko ba that time, medyo dyahe kung ang mobile phone mo eh Alcatel na kulay orange ang backlight.

Wala akong mobile phone noon, kasi walang pambili. Makapaglaro lang ako nang Snake, eh nanghiram pa ako kay Guiller na mobile. Mga alas-tres ng hapon ko hiniram ‘yong Nokia 3310 nya, laro na agad ako. Magdamag siguro akong naglaro. Sa hindi ko na matandaan kadahilanan eh namatay ‘yong mobile.

So re-start. Eh nagtanong ngayon ng PIN.

Try ko ang 1 2 3 4 , mali.

Try ko 1 2 3 4 5 6 mali pa rin.

Try ko birthday ni Guiller 2 0 0 2 7 8, wala pa rin.

Medyo inis na ako, kaya lagay ng lagay nalang ako ng numbers. Eh ‘yon pala may limit ‘yon, tas nanghingi na sa akin ng PUK.

Anak ng PUK o!!!

Hanggang sa tinigilan ko na rin. Kasi baka masira ko pa.

Kinabukasan eh, naibalik ko naman kay Guiller ‘yong mobile asking for PUK. Na sa totoo lang that time ni wala man lang akong ka-idea-idea kung ano ba ‘tong PIN o PUK na ‘to, mangyan talaga, sensya na.

Ok naman, di naman nagalit si Guiller.

Ngayon, eto na. Kaya nauwi sa kwentong ahas ang post ko today, kasi nga na-missed ko na ‘yong snake sa Nokia. Dahil sa Sony Ericsson convert ako, matagal na rin akong walang Nokia. Kaya eto nang masumpong ng Nokia, eh kahit mamanhid na ang aking mga daliri sa kalalaro ng Snake, ok lang…and also, just want to brag my best score so far.. he he he..

 

‘Kaw, anong highest score mo sa Snake?

Saturday, 31 May 2008

Konti ang Lakad

Noong nakaraang araw, ang headline sa The Morning Bolero Kronikels, “Nasaan ang Tsinelas Ko?”.


Natuwa naman ako usapang tsinelas na ‘to. Nagbalik tuloy sa alaala ng mangyan ang kanyang mga kwentong tsinelas sa bundok.


Isang mangyan ang pinababa ng bundok ng kanyang tribo para bumili ng na-uusong sapin sa paa. Tsinelas daw ang tawag nila dito, at usap-usapan na sa bundok ang ginhawang dulot ng tsinelas sa paa. Malambot, komportable sa paa, at talaga namang sigung-sigu sa paa lalo na sa mangyan na ang hobby ay maglakad ng kilo-kilometro at manghabol ng tamaraw.


Kaya naman agad na naghanda ang batang mangyan pababa sa bayan. Sininop ang mga dapo (orchid) na maaaring ipamalit ng tsinelas o kaya naman eh maibenta para merong pambili ng tsinelas. Sa paglalakad ng mangyan patungong bayan ay ganoon na lang ang kanyang kagalakang sa wakas eh magkakaroon na rin sya ng sapin sa paa. Nakikinita-kinita na nya agad ang kanyang sarili, soot ang bagong tsinelas na tumatakbo sa kaparangan.... habang hinahabol ng baboy ramo o tamaraw.


Makaraan nga ang ilang oras na lakaran, narating ng mangyan ang bayan.


Sa palengke parang may pista ng tsinelas. Maraming tsinelas ang nakalatag sa pamilihan. Iba-ibang laki. Iba-ibang kulay.


Ganoon na lang ang kagalakan ng batang mangyan - sa wakas eto na ang pinakhihintay nyang araw, ang araw na makakatikim ng tsinelas ang kanyang mga paa.


Para makabili, eh nag-alok muna ang batang mangyan ng dala-dala nitong dapo (orchid) sa mga nagdaraang mamimili, maging sa mga nagtitinda. At nang makabuo na nga ng sapat na halaga, yagyag na ito sa pinaka-malapit na tindahan ng tsinelas.


Batang Mangyan: Sandugo, ako pabili nito. (sabay turo sa tsinelas)


Tindera: Anong gusto mo? Ito, sampung piso lang. Ito singkwenta pesos.


Ang tsinelas na tig-sampung piso eh ang generic brand na halo-halong tsinelas, nakatali ang bawat pares para hindi magkawalaan ang kaliwa at kanan. Samantalang "branded" naman ang tsinelas na tig-singkwenta pesos kaya naman masinop itong nakabalot sa sarili nitong plastic.


Bago pa makasagot ang batang mangyan kung anong klaseng tsinelas ang gusto nya, eh iniabot na sa kanya ang tindera ng "branded" na tsinelas.


Tindera: Eto, sukatin mo muna ito, sandugo!


Tanggap naman ang mangyan at sinukat nga.


Aba, sigung-sigu! (kasyang-kasya) Maging ang kulay na asul ay bagay na bagay. Fit na fit, medyo inilakad-lakad pa nya para sigurado talagang komportable.


Hindi maipaliwanag na kasiyahan ang dulot sa batang mangyan ng maisuot nya ang kanyang kauna-unahang tsinelas.


Bigay nya agad ang bayad.


Nakangiting tinanggap ang tindera ang kanyang bayad. Bilang, bilang, bilang. At nakataas ang kilay na ibinalik sa batang mangyan ang ibinayad sabay bawi ng tsinelas.


Mangyan: Sandugo, bakit naman ganoon?


Tindera: Kulang ang pera mo sandugo, kung gusto mo ito na lang tig-sampung piso! Sabay abot ng tindera sa isang pares ng tsinelas na nakatali ang bawat dahon - kaliwa at kanan.


Tinanggap naman ng mangyan, at sinukat.


Kasya rin. Oki na rin ang kulay.


Nagbayad ang batang mangyan.


Habang papaalis ng tindahan, isinuot agad ang biniling tsinelas (hindi na nga inalis ang tali ng pares), pabulong-bulong lang ang batang mangyan.

Lakad... lakad... hakbang ang kaliwa, hakbang ang kanan. Nakatali pa rin ang dalawang pares...

Napabuntong-hininga nalang ang mangyan.

Mangyan: Kaya pala mura, konti lang ang lakad.